DAPAT umanong magbigay ng subsidy at pautang ang gobyerno para sa mga guro sa pribado at pampublikong paaralan.
Inihain ni House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., ang House Resolution 905 dahil kailangan umanong tulungan ang mga guro na naapektuhan din ng coronavirus disease 2019.
Mas apektado ang mga guro sa pribadong paaralan dahil marami sa kanila ay no work no pay at nanganganib na magtagal na pa wala silang kita dahil sa pag-urong ng pasukan.
“There is thus a need to help the affected school personnel,” ani Gonzales.
Hinayaan naman ni Gonzales ang Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment, Department of Budget and Management, Department of Finance, Commission on Higher Education, Department of Social Welfare and Development, Technical Education and Skills Development Authority, at National Economic and Development Authority na bumalangkas ng programa para matulungan ang mga guro.
Isa si Gonzales na nagsabi na hindi dapat ituloy ang pasukan sa Agosto habang wala pang bakuna laban coronavirus disease 2019.
Ayon sa solon magiging isang hamon ang distance learning dahil sa hindi maaasahan ang internet connectivity lalo na sa mga probinsya.
Sinabi ni Gonzales na maging si Pangulong Duterte ay nagsabi na hindi niya papayagan ang pagpasok ng mga estudyante sa paaralan hangga’t walang bakuna.
“Unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about opening of classes. For me, there should be a vaccine first. When it’s available, then it’s okay,” ani Duterte.