Heart: Porke maganda suot mo, maganda bag mo, feeling nila OK ka lang saktan

HEART EVANGELISTA

“YES, nagkaroon po ako ng depression and anxiety.”

Diretsahang inamin ni Heart Evangelista ang pakikipaglaban niya sa isang uri ng mental health condition na nagiging ugat ng kanyang anxiety attacks at matinding kalungkutan.

Ayon sa Kapuso actress, bukod pa ito sa naranasan niyang “slight depression” noong 2018 nang makunan habang ipinagbubuntis ang kambal sanang anak nila ni Chiz Escudero.

At nito nga lang nakaraang November, nakaramdam siya ng pamamanhid sa kanyang paa na sinundan ng kakaibang sakit sa iba pang bahagi ng katawan.

“Naging numb ‘yung mga paa ko pati kamay ko na pang-paint. Wala akong maramdaman dito. It’s called the Burning Tongue Syndrome. 

“Basically, people just live with this condition na parang nasusunog ‘yung bibig mo, tapos minsan kumakalat siya sa gums and it’s very painful,” pahayag ni Heart sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

“Sabi nila, iyong cause ng sa akin can be extreme anxiety and it manifests on your body, kasi sa sobrang stress,” aniya pa.

Dagdag pa ng aktres, nakakadagdag din sa kanyang kundisyon ang ang  napi-feel niyang pressure mula sa social media.

“Iyong pressure ng tao, dapat kailangan lagi kang maganda, kailangan lagi kang nauuna.

“Although hindi naman ako super ganon, siguro subconciously, minsan, kapag may mga nagsasabi tungkol sa’yo, akala mo hindi ka naapektuhan. 

“But then it affects you and nagpa-pile up siya. So, yes nagkaroon po ako ng depression and anxiety,” esplika pa ng misis ni Chiz.

Nang magkaroon ng enhanced community quarantine sa bansa, nakaramdam uli siya ng depresyon at anxiety but this time, alam na niya kung paano ito lalabanan.

“Maybe kailangan din nga pause sa buhay, and I feel like I’m much better now. I just had to calm down and not care first muna. I did a lot of meditation,” sey ng aktres na naglaan din ng panahon sa muling pagpipinta para mailabas ang kanyang emosyon.

Lahad pa ni Heart, huwag mahiyang pumunta sa doktor at humingi ng tulong para labanan ang depresyon, 

“Kasi sometimes ‘yung fears nandiyan lang sila. Parang nao-overpower niya na sa utak mo. ‘Pag hindi na talaga kaya, you need to see the doctor.

“Hindi mo dapat itaya yung buhay mo dahil nahihiya ka pumunta sa doktor or nahihiya ka mag-open up about it. There is a way it can be fixed, ask help and don’t be afraid of it. So that’s what I did,” aniya pa.

Matapang na ibinahagi ni Heart sa publiko ang tungkol sa estado ng kanyang health condition para ipaalam na hindi rin perpekto ang kanyang buhay.

“Porke’t nakikita ka nilang maganda ‘yung suot mo o porket nakikita nila maganda ‘yung bag mo you’re living the life. Feeling nila okay ka lang saktan.

“‘Masaya naman ‘yan eh, kaya kahit laitin ko ‘yan wala naman ‘yan sa kanya.’ Pero hindi ganu’n yun eh,” pahayag pa ng aktres.

Hirit pa niya, “Minsan kapag may pinagdadaanan ka mas gugustuhin mo na lang, ‘Lord, tanggalin mo na lang lahat ng ito basta healthy ako. Basta okay yung pamilya ko, okay yung mga tao sa paligid ko’. We all have our cross to carry.”

“Nobody has a perfect life. I know may mga sinasabi na ‘toxic positivity’ maybe because hindi rin nila alam yung pinagdadaanan ng tao,” hirit pa ng Kapuso actress.

Read more...