KUNG may isang Tawag Ng Tanghalan hurado na talagang nakatikim na matinding pambu-bully mula sa mga bashers at haters, yan ay ang Soul Diva na si Jaya.
Kung nakamamatay lang ang masasakit na salita at pagmumura ng mga manonood dahil sa galit, siguradong matagal nang nakalibing si Jaya.
Inamin ng Kapamilya singer na nagkamali siya sa pag-aakalang madali lang ang pagiging hurado sa TNT ng It’s Showtime pero maling-mali siya.
“My gosh, Tawag Ng Tanghalan, I accepted right away when I went in. Akala ko madali lang siya.
“I was, like, the most bashed, I am the most bashed hurado. I’m not mean. I’m very honest,” ang pahayag ni Jaya nang mag-guest siya sa Facebook Live ng RX 93.1 FM station kamakailan.
Pagbabalik-tanaw ng Soul Diva, ilang beses din siyang naging trending topic sa Twitter dahil sa pamba-bash sa kanya ng madlang pipol, kesyo hindi naman siya marunong mag-judge, wala siyang karapatang maging hurado dahil palagi rin naman daw siyang sablay kapag kumakanta.
Ang hinding-hindi niya makakalimutan ay ang matinding panglalait at pambu-bully sa kanya ng bashers dahil lahat ng contestants sa isang episode ay na-gong.
“I think because, one time, I gonged three contenders all in the same day. And it was a Valentine’s Day, so I will never forget it,” ani Jaya.
Isa pang hindi malilimutang pambabatikos ng netizens sa kanya ay ang semifinals round noong May, 2018, kung saan naglaban sina Aila Santos at Ato Arman.
Si Jaya ang punong hurado nu’ng araw na yun at ang pinanalo nila ay si Ato na kinontra ng netizens na nakapanood sa laban. Anila mas deserving manalo si Aila.
“I was trending for hatred for two days, two to three days. That was the worst ever,” ani Jaya na napilitang mag-absent sa TNT kinabukasan dahil matindi ang naging epekto sa kanya ng pamba-bash ng haters.
Pero sabi ni Jaya, wala siyang pagsisisi na tinanggap niya ang pagiging judge sa TNT at masaya siya sa ginagawa niya at nagpapasalamat siya na binigyan uli siya ng chance ng ABS-CBN.