TINATAYANG 14 sa 17 mayor sa Metro Manila ang pabor na ideklara na ang general community quarantine (GCQ) simula Hunyo 1 mula sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na nakatakdang magpulong sa Miyerkules ang Metro Manila Council (MMC) para talakayin ang isyu.
Idinagdag ni Olivarez na nagdulot na ng “devastating effect” ang coronavirus disease (COVID-19) sa mga empleyado ay employers.
Matatandaan sa nakaraang pagpupulong ng MMC nitong nakaraang Mayo 9, inendorso ng mga mayor na sina Joy Belmonte, ng Quezon City; Abby Binay, ng Makati; Isko Moreno, ng Maynila; Antolin Oreta III, ng Malabon at Imelda Aguilar, ng Las Pinas ang pagsasailalim ng Kalakhang Maynila sa GCQ.
Bumoto naman si Pasay City Mayor Emi Rubiano sa isang linggong extension ng ECQ, samantalang hindi naman bumoto sina Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at Marikina City Mayor Marci Teodoro sa panukala.
Samantala, naghahanda naman sina Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Navotas City Mayor Toby Tiangco para sa pagsasailalim ng Metro Manila sa GCQ.
Sinabi naman ni Moreno na bumoto siya para sa implimentasyon ng GCQ.