NGAYONG kailangan ng pera ng gobyerno, muling nabuhay ang panukala na patawan ng mas mataas na buwis ang junk foods.
Iminungkahi ito ng National Tax Research Center (NTRC) matapos magsagawa ng feasibility study.
“Overconsumption of junk foods causes harm to the body. However, their savory taste and inexpensiveness drive Filipinos to continuously consume these unhealthy products,” saad ng ulat ng NTRC.
Kasama sa tinukoy ng NTRC na junk food ang mga ibinebenta sa fast food restaurants gaya ng burger, fries, fried chicken, hotdog, pasta and pizza, deep-fried at salty snacks; sugary desserts at sweets, at carbonated beverages o soft drinks.
Iminungkahi ng NTRC ang pagpapataw ng 10-20 porsyentong excise tax sa junk food.
Ang annual average na gross revenue umano ng mga kompanya na gumagawa ng junk food ay P541.6 bilyon mula 2013 hanggang 2017. Mayroon umano itong annual sales increase na 8.5 porsyento.
Sa ipapataw na buwis kikita umano ang gobyerno ng P36.5 bilyon kung 10 porsyento hanggang P72.9 bilyon kung 20 porsyento ang excise tax.
Sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute’s (FNRI) Eighth National Nutrition Survey, tatlo sa bawat 10 Filipino na edad 20 pataas ang overweight o obese at isa sa sinisisi rito ang pagkain ng junk food.
Sa mga edad lima pababa, limang porsyento naman ang obese sa survey noong 2013, tumaas mula sa 2.4 porsyento noong 2003.