ARESTADO sa drug raid sa Tondo, Maynila ang dalawang anak ng konsehal sa Maynila.
Maliban sa dalawang anak ng konsehal, na hindi pinangalanan, nasakote rin ang apat pa nilang kasamahan.
Inilatag ng mga tauhan ng Manila Police District ang operasyon laban sa magkapatid, na edad 27 at 33, kaninang madaling araw bunsod ng sulat ng kanilang ama na si Manila 1st District Councilor Jesus “Taga” Fajardo.
Sumulat sa pulis at barangay si Fajardo para hilingin na i-raid ang gilid ng kanyang bahay na ginagawang drug den ng mga anak.
Sinabi pa niya sa sulat na wala siyang gagawing anumang aksyon para pigilan ang operasyon. Sinuman aniyang madatnan ng mga pulis sa drug den ay dapat arestuhin, ikulong at kasuhan.
Nadatnan sa drug den ang anak na babae at lalaki ng konsehal, ayon sa pulisya.
Kasama rin sa mga nadakip ang live-in partner ng babaeng anak ni Fajardo at tatlong iba pa.
Hawak na ngayon ng MPD Station 2 ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. –Radyo Inquirer