TUHOG ang pagiging ultimate kontrabida ngayon ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro sa dalawang seryeng napapanood ngayon sa GMA.
Comment ng mga manonood, maghahasik na kasamaan si Glaiza sa hapon, habang patuloy pa rin siyang magiging kampon ng kadiliman pagsapit ng gabi.
Ang dalawang seryeng tinutukoy ng Kapuso viewers ay ang rerun ng primetime series na Encantadia at afternoon serye na Stairway to Heaven.
Ito’y matapos ngang ipatigil ang produksyon ng mga palabas sa telebisyon dahil sa banta ng COVID-19.
Ani Glaiza, pareho pang kontrabida ang kanyang ginampanang karakter sa dalawang palabas, “Nakakatawa kasi naiinis sila sa akin as Pirena tapos maiinis din sila sa akin as Eunice. So, paano na?”
Pagbibiro pa ng aktres, bilang pambawi raw sa mga netizens na kinasusuklaman ang kanyang evil roles, kakantahan na lang daw niya ang mga ito sa social media para kahit papaano ay mawala ang inis sa kanya.
Hiling naman ng Kapuso actress na kasalukuyan ngayong naka-quarantine sa Baler, nawa’y makapagbigay-aliw at pag-asa sa viewers ang mga naturang show.
“Sa panahon ngayon siyempre, ‘di ba kailangan natin ng positivity. Isa ‘yung ‘Encantadia’ sa parang nagbigay sa akin ng hope na, ‘Okay, magiging normal din ang lahat balang-araw.
“Kahit na marami tayong digmaan, kahit na marami tayong kalaban, kahit na maraming mga Pashneya. Magtatagumpay pa rin ang kabutihan,’” ani Glaiza.
Naniniwala rin ang aktres na makakaya ng mga Pinoy ang COVID-19 crisis, basta pairalin lang ang disiplina sa bawat pamilya, ang pagsunod sa health protocol at ang patuloy na pagdarasal.
Muling napapanood ang Stairway to Heaven tuwing hapon pagkatapos ng Ika-6 Na Utos habang napapanood naman ang Encantadia tuwing gabi pagkatapos ng 24 Oras.