UMAPELA ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga dalawa ang natanggap na tulong pinansyal mula sa gobyerno na isoli ito.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya mayroong mga nakatanggap na ng tulong pinansyal mula sa Social Amelioration Program ay nakatanggap pa ng tulong sa ilalim ng Small Business Wage Subsidy ng Social Security System.
Sinabi ni Malaya na maaaring matukoy ng gobyerno ang mga nakadoble at padadalhan ang mga ito ng demand letter.
“Nakikiusap po kami sa lahat na kapag ‘di ninyo po sinauli kasi, may isang pamilyang qualified na hindi nakatanggap. So isauli na po natin ‘yan. Kung mas malaki ang nakuha ninyo sa SSS, ‘yun ang inyong kunin, ‘yung galing sa DSWD, ‘yun ang inyong isauli,” ani Malaya sa panayam sa radyo.
Maaari rin umanong makasuhan ang mga hindi magbabalik.
Bukod sa SAP at SSS ay may mga nabigyan din ng tulong sa ilalim ng programa ng Department of Labor and Employment.