HINDI na rin natiis ng Kapamilya actress na si Yassi Pressman na manahimik na lamang habang patuloy ang pagkalat ng mga fake news laban kay Coco Martin.
Si Yassi ang leading lady ni Coco sa seryeng Ang Probinsyano at sa tagal ng pagsasama nila sa action-drama series ng ABS-CBN, aminado ang dalawa na naging malapit na rin sila sa isa’t isa.
Matatandaan na kumalat pa nga ang tsismis noon na nagkakamabutihan na ang magka-loveteam pero wala namang kumpirmasyon mula sa kanila.
Natuwa ang fans at supporters ng Ang Probinsyano nang mabasa ang pagdepensa ni Yassi kay Coco tungkol sa mga kanegahang chika na kumakalat sa social media.
Hindi man tinukoy ni Yassi kung sino ang pinatutungkulan niya sa kanyang Instagram post, naniniwala ang kanyang followers na may konek ito sa dating cameraman ng ABS-CBN na nagpakawala kanegahan tungkol kay Coco.
Ayon sa kanya, nakasama siya sa isang pelikula ni Coco at nagsabing masakit daw itong magsalita kung minsan sa mga stuntman bukod pa sa nambubuhos ng tubig ng mga tao sa set kapag bad trip.
Ikinumpara pa nito si Coco kay Robin Padilla pagdating sa pakikisama sa mga katrabaho. Base sa mga post ng cameraman mukhang diehard supporter din ito ng Pangulong Rodrigo Duterte tulad ni Binoe.
Ayon naman kay Yassi, naniniwala siya na mabuting tao si Coco at hindi totoo ang mga akusasyon sa kanya. Narito ang kabuuang mensahe ng aktres.
“Mga Kaibigan po, mga Kapamilya, mga Kapuso, at mga mahal ko pong mga kababayan…
“Si Coco Martin po ay ilang taon ko na pong kilala, at sa pagkakakilala ko po sa kanya ay mabuti po siyang tao.
“Pasensya na po kayo, kung sa pagkarinig po ninyo ay nadadala po siya sa kanyang emosyon, at yun po ay dahil mahal na mahal niya po ang mga ‘kapamilya’ niya.
“Kami po iyon… mga katrabaho, sa harap ng kamera at sa likod.. mga pamilya po niya,” lahad ng dalaga.
Pagpapatuloy pa niya, “Katulad po ng pagtatanggol po ninyo sa mga kaibigan, kapatid, mga magulang, at anak…. ganun rin po ang tingin niya sa amin. Sana po maintindihan po ninyo.
“Salamat Coco, sa lahat ng mabuting nagawa mo para sa aming lahat, at hindi namin makakalimutan ang lahat ng iyon habang buhay.”