Palasyo: Mga kaso vs NCRPO chief Debold Sinas tuloy

Sinas

NILIWANAG ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin ligtas si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj Gen Debold Sinas sa mga kasong kriminal at administratibo sa kabila naman ng naunang pahayag ni Pangulong Duterte na mananatili siya sa pwesto.

“Sa tingin ko po malinaw ang sinabi ng Presidente, mananatili po siya sa kanyang trabaho at dati namang piskal ang ating Presidente, alam po ng ating Presidente na dapat umusad ang proseso ng kaso kriminal,” sabi ni Roque sa kanyang briefing.

Nauna nang inihayag ni Duterte na hindi niya sisibakin si Sinas sa kabila ng alegasyon ng paglabag sa umiiral na lockdown matapos namang magdiwang ng kanyang kaarawan sa kabila ng ban sa mass gathering.

“Ito po ay isinampa na sa piskalya, magsasagawa ng preliminary investigation at posibleng isampa sa korte at kung isasampa sa korte,  kinakailangang sagutin niya ito,” dagdag ni Roque.

Ayon pa kay Roque, tuloy din ang pagdinig sa kasong administratibo laban kay Sinas.

“Kung ang rekomendasyon ay umusad ang kasong administratibo, malinaw po ang sabi ni Pangulong Duterte, wag muna nang tanggalin sa pwesto, manatili sa pwesto sa ngayon, without prejudice kung ito nga po ay papayagan ng Palasyo, ang filing ng administrative cases,” ayon pa kay Roque.

Read more...