COVID test sa PH napakamahal kumpara sa ibang bansa

MASYADO umanong mahal ang coronavirus disease 2019 test sa bansa kaya limitado lamang ang nakakapagpa-test.

Ayon kay Iloilo Rep. Janette Garin may mga hakbang na maaaring gawin upang mapababa ang presyo nito at mas marami ang ma-test.

Sinabi ni Garin na naging mataas ang presyo ng COVID-19 testing dahil sa mataas na package na itinakda ng Philippine Health Insurance Corp. na siyang pinagbatayan ng mga pribadong kompanya sa itatakda nitong presyo.

“Ito po, makikita po natin ngayon, P8,150 kung ikaw ang bibili ng kit at kung ikaw ang gagawa ng testing. P5,450 naman kung yung test kits ay donated. P2,710 naman kung yung laboratoryo ay pinagawa at donated ng iba at wala kang gastusin pati sa test kits. Tanong: Sino po ba ang gumawa ng ganitong package? Natutuwa po tayo na kumilos ang PhilHealth. Pero hindi po nakakatuwa na gumawa sila ng package na masyadong mahal dahil ang pera po ng PhilHealth ay pera po ng sambayanang Pilipino na miyembro po ng PhilHealth.”

Sinabi ni Garin na sa China ang presyo ng test ay hindi maaaring lumagpas sa $20 (P1,000) dahil may subsidy ang gobyerno sa presyo. Ang presyo naman sa Singapore ay $40 (P2,000).

Tanong pa ni Garin sa kayang privilege speech: “Paano po ba ito ginawa? Sino ba ang talagang makikinabang dito? Alam ko pong tila ginagamitan na naman ng kung ano-anong medical terminologies ang testing packages sa PhilHealth para di mahalata at maikubli sa Presidente ng PhilHealth ang katotohanan. Tila yata may mafia o sindikato na siyang kanser sa ating PhilHealth.”

Sinabi ni Garin na tumataas ang presyo ng testing machine at testing kits kapag dumaraan sa mga ahente o supplier.

“Madami naman pong mga matitino pero madami din ang garapal na tuwang-tuwa pa sa pandemic na ito dahil sa pagkakataong kumita ng pera sa gitna ng pasakit ng ating mga kababayan.”

Ayon kay Garin maaaring bababa ang presyo ng testing kung ang gobyerno na ang bibili ng testing kits at reagents mula sa manufacturer. Aabot lamang umano ito sa P800-P900 bawat test.

Maaari umano na ang PhilHealth ang magbayad ng P500 processing fee sa mga government hospitals at P700 sa pribadong ospital.

Maaari rin umanong kumuha ng P100 mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp., (PAGCOR) o iba pang ahensya ng gobyerno bilang bayad sa mga laboratory specialist o pathologist na itinataya ang buhay sa pagganap sa kanilang tungkulin.

“….Ang maging suma total po ng ating swab PCR Testing ay P1,400 to P1,700 [at] pwedeng dagdagan ng miscellaneous cost na P300, sabihin na natin,” ani Garin. “Hindi po ako naniniwalang imposible ito and we are going to prove in the next days that this can be done.”

Mas magiging mura pa umano ito kung ang gagamiting machine ay donasyon.

Read more...