COVID-19 sa PH nasa 2nd wave na–Duque

NASA second wave na umano ang coronavirus (COVID-19) sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng  Senate Committee of the Whole kaugnay sa tugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Duque sa mga senador, kasalukuyang nasa second wave na ang virus sa Pilipinas dahil base sa mga epidemiologist nangyari ang first wave noong Enero kung saan nagkaroon ng tatlong kaso na pawang mga Chinese national mula sa Wuhan.

Maituturing umano na maliit na wave lamang ito, subalit ngayon ay nasa second wave na ang bansa at patuloy nilang ginagawa ang lahat para ma-flatten ang epidemic curve.

Sinabi ni Duque na ngayon ay hinahanda nila ang lahat para maging maliit lamang ang posibleng susunod na pagtaas ng bilang ng kaso ng nasabing virus.

Paliwanag naman ni COVID czar Secretary Carlito Galvez, medyo nag-istabilize na ang sitwasyon dito sa bansa dahil na rin sa pagbuti ng testing capacity ng bansa.

Nauna na rin nagbabala si Duque sa isang malalang scenario sa Metro Manila ay pagkakaroon ng third wave ng transmission ng  COVID-19 sakaling isinailalim ito sa general community quarantine nang walang sapat na testing.

Read more...