SUSUSPINDIHIN ng Pasig City ang mga mall at iba pang establishments na hindi mag-iimplement ng social distancing.
Sa isang social media post, nagbigay ng paaalala si Mayor Vico Sotto na ang hindi magpapatupad nito ay sususpindihin ang business permit.
Aniya, hindi nila kayang bantayan ang mahigit 10,000 negosyong nagbukas na sa pag-implement ng modified enhanced community quarantine nitong May 16.
“Nasa mahigit 10 libong negosyo ang nagbukas na ulit ngayong MECQ sa ilalim ng national/IATF guidelines. Di namin kayang bantayan isa-isa araw-araw. Magtulungan tayong mga Pasigueño.” ani Sotto.
Inanyayahan din niya ang mga taga-Pasig na magsumbong sa Ugnayan sa Pasig social media page sa mga lugar na walang social distancing.
Dumagsa ang mga tao sa mga mall ng maimpose na ang MECQ sa Metro Manila.
Nitong Lunes, ipinasara ni Governor Jonvic Remulla ang lahat ng mall sa Cavite dahil sa kawalan ng social distancing.