Diokno: Mass testing wag iasa sa pribadong sektor

BINATIKOS ni human rights lawyer Chel Diokno ang kawalang plano ng gobyerno para magsagawa ng mass testing.

Ito’y matapos aminin ni presidential spokesperson Harry Roque na walang plano ang gobyernong magsagawa ng mass testing at hahayaan na ang responsibilidad na ito na gawin ng pribadong sektor.

“Bakit nasa pribadong sektor ang responsibilidad ang mass testing kung nasa gobyerno ang bilyones na pondo? Ito ba ang plano nila — na pagkatapos kunin ang pera natin, iiwan tayo sa ere?” ani Diokno.

Ani Diokno, malaking porsyento ng pribadong sektor sa Pilipinas ay micro, small o medium enterprises. Dahil sa lockdown halos lugi na ang mga ito.

“Kung idagdag pa sa gastusin nila ang mass testing, marami ang magsasara, at dadami lalo ang mawawalan ng trabaho.” dagdag pa niya.

Binatikos din niya ang pagkakaroon ng special powers ni Pangulong Duterte at ang emergency funds.

“Gobyerno, hindi pribadong sektor, ang may emergency powers at emergency funds. Gamitin sana ito nang tama, alang-alang sa frontliners nating araw-araw binubuwis ang buhay nila.” ani Diokno.

Noong Marso, iginawad ng Kongreso ang special powers sa pangulo matapos pirmahan ang Bayanihan to Heal As One Act. Sa ilalim nito may kakayanan ang presidenteng maglipat ng mga funds ng gobyerno para sa laban kontra coronavirus.

 

Read more...