BIBIGYAN ng time card at isang oras lang ang magiging time limit ng mga pupunta sa mall sa Cavite sa bagong guidelines na inilabas ni Cavite Governor Jonvic Remulla.
Isa ang pagbibigay ng time card at pag-set ng time limit ang ginawang pagbabago ni Remulla matapos mabuwisit sa dagsa ng tao sa mga malls nitong weekend.
Kinakailangan din na magkaroon ng mga safety marshal sa loob ng mall na magchecheck ng time card.
“Pag 10 minutes to go ay sasamahan kayo palabas. Ang grocery at supermarket ay konsensya ninyo ang time limit. Tandaan, bilang ang supermarket kart na pwede pumasok. Pag may nalabas na isa ay saka lang may papasok. Kung akala ninyo na karapatan ninyo ang magtagal ay makonsensya naman kayo at marami din ang may kailangan mamili.” ani Remulla
Dahil dito ipinasara niya ang lahat ng mall sa Cavite nitong Lunes.
“Maraming nagulat sa Executive Order na inilabas ko kahapon. Ito ay kinailangan dahil binalewala ang babala ko ukol dito.” aniya.
Ilan sa mga guidelines na inilatag niya para sa pagbubukas ng isang mall ay:
- 10AM to 5PM operating hours
- Iisang entrance at exit
- Pagpapatupad ng social distancing sa loob at labas ng mall
- Quota ng tao sa mall
- Pagbawal ng pagtugtog ng music sa PA system
- Para sa local lamang ang mga mall at hindi pwedeng dumayo
- Pagkakaroon ng uni-directional system at visual guides para dito
- May Q-Pass lamang ang papayagan sa mga papasok sa mall.
“Lahat Ng patakaran na Ito ay para sa inyong kabutihan at kalusugan. Masamain man ninyo ay pasensya na. Wala ako sa mood makipagtaluhan. Ang mga patakaran na Ito ay malinaw. Kung maari sa comments section ay huwag na ninyo umpisahan ng…”Gov, halimbawa….” “Gov. Paano kung….” Ang sagot ko sa inyo ay “Please Read Again.” PS. Pag successful at masunurin ang mga madlang people sa Mall Policy ay pagiisipan ko na ma-lift Ang liquor ban. Oh ayan ha.” pagtatapos ni Remulla.