MAKALIPAS ang ilang araw ng pananahimik matapos ma-bully nang bonggang-bongga dahil sa kanyang “classroom” blooper, nagbabalik si Kim Chiu na may bagong pasabog.
Kahapon, masaya at punumpuno ng pag-asang ibinandera ng dalaga ang pagre-record at pagri-release ng full version ng makasaysayang “Bawal Lumabas” song.
Ito nga yung kontrobersyal at trending na pahayag ni Kim sa unang #LabanKapamilya Facebook live streaming bilang suporta ng mga kilalang celebrities sa ipinasarang ABS-CBN.
Ibinahagi ni Kim ang full version ng “Bawal Lumabas” sa kanyang latest vlog sa YouTube kagabi. Ang lyrics nito ay isinulat ni Adrian Crisanto, ang netizen na nag-post sa Facebook ng open letter para suportahan si Kim sa gitna ng pamba-bash sa kanya.
Nakipag-collaborate naman ang Kapamilya actress kay DJ Squammy para maglapat ng beat sa kanyang bagong kanta.
Pahayag ng girlfriend ni Xian Lim, “Nag-record ako kagabi ng kanta hanggang 3AMin the morning para lang magawa ‘tong kantang ‘to at para mabuo lang ‘yung ‘Bawal Lumabas’.
“So, napakagandang lyrics na ginawa ni Adrian, ang ganda ng beat. Game ako, this is something nice and positive out of the negative na nangyari noong mga nakaraang araw,” pahayag ni Kim.
Dagdag pa niya, “It’s okay that’s life, derecho lang, tuloy ang buhay gusto ko masaya lahat ng tao.”
Aminado si Kim na talagang naapektuhan siya ng pambabatikos sa kanya ng madlang pipol nang dahil sa ginamit niyang “classroom” analogy para idepensa ang ABS-CBN matapos itong magsara sa bisa ng cease and desist order ng NTC.
Pero sabi ng dalaga, napakarami rin niyang natutunan sa isyung ito, “Actually dito sa nangyari na ito ang dami kong nakita na maraming gustong tumulong…
“At the end of the day marami talaga ‘yung gustong tumulong sa atin, mag-reach out to give help,” pahayag ng dalaga.