MAY probisyon sa panukalang provisional franchise ng ABS-CBN ang pagbibigay nito ng libreng broadcasting slot sa gobyerno para maisapubliko ang mga mahahalagang anunsyo.
Pero sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi na bago ang probisyong ito at makikita rin sa prangkisa ng GMA 7 at TV 5.
Paliwanag ni Cayetano libreng nagagamit ng mga TV networks ang airwaves kaya tama lamang na magamit ito ng gobyerno kung kinakailangan.
“Since libre yung airwave pagka for public interest kailangan mo yan merong naka-reserve din sa gobyerno, kung hindi nagkakamali before the crisis between P1 million to P1.4 million na ang ads sa channel 2 at channel 7 for a 30-second spot. Kung hindi ako nagkakamali yan ang going rate po yan po talaga ang nasa advertising industry even with those rates maraming naga-advertise napupuno nga po sila,” ani Cayetano.
Nakasaad sa panukala na 10 porsyento ng oras ng istasyon para sa paid ads ang irereserba sa gobyerno.
“Mahirap naman po na pagbabayarin pa natin ang gobyerno ng P1 million-P1.4 million for 30 seconds yung airwaves naman ginagamit niya (ng libre).”
Ipinaliwanag ni Cayetano na 10 porsyento lamang ang inilaan para sa gobyerno upang hindi malugi ang kompanya.
“… Maybe the other question the opposite why only 10 percent, why not 20 percent, why not 50, why not 90 percent, because these private corporations pour in very big capital to be able to broadcast nationwide and there is so much corporate responsibility in everything they do so if we go beyond 10 percent tingin po natin maaapektuhan naman yung kanilang pagi-invest sa kompanya nila para makapag-broadcast,” dagdag pa ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na hindi niya sinabi kung pabor siya o hindi na ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBNN kundi ang nais niya ay makapagsagawa ng pagdinig upang marinig ang mga nagrereklamo at ang sagot ng Channel 2.