NAGBABALA si Presidential Spokesperson Harry Roque na muling isasara ang mga mall na bigong ipatupad ang social distancing matapos naman ang pagdagsa ng tao noong Sabado.
“Ipapasara po iyong premises nila muli dahil wala pong choice; kinakailangan pangalagaan ang kalusugan,” sabi ni Roque.
Idinagdag ni Roque na hindi rin malayo na bumalik ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) sakaling hindi mapigilan ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
“Siyempre po iyong doubling rate ng sakit ng COVID-19. Kung ito po ay bumalik tayo sa two days, eh talaga pong lahat ay sarado uli, back to ECQ. Okay, malinaw po iyan. Basta sundin naman po iyong one is to two – for every hundred square meters, magpapasok lang ng singkuwenta. At madali po iyon, mabibilang po ng security guards nila iyon,” dagdag ni Roque.
Ani Roque maaari ring makasuhan ang mga mall na bigong magpatupad ng social distancing.
“May legal possibility po iyan dahil under the We Heal as One Act kinakailangan ipatupad iyong mga requirements ng IATF ‘no, so mayroon din pong criminal liability iyan if they do not exert or if they do not fulfill the obligation na dapat ginagawa nila. Dapat po may sapat na empleyado, security na magpapatupad nitong mga guidelines na ito, otherwise magsarado po sila,” babala pa ni Roque.