SA kabila ng kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) na bigyan ng personal protective equipment (PPEs)ang kanilang mga empleyado para sa pag-iwas at pagkontrol sa COVID-19, ilang mga supermarket ang hindi tumutupad dito.
Ito ang ibinunyag ngayon ni Senator Imee Marcos matapos mapag-alaman na ang mga empleyado ng ilang supermarket tulad ng cashier, bagger at promodizer ang mismong bumibili ng kani-kanilang mga PPEs gaya ng face mask, alcohol o sanitizer para proteksyunan ang kanilang mga kalusugan habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho.
“Dapat imbestigahan ng DOLE at ng DTI ang ginagawang panloloko ng ilang mga supermarket sa kanilang mga empleyado. Kung mapapatunayang meron ngang ginawang paglabag, dapat lang na parusahan ang mga may-ari ng supermarket,” pahayag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, bukod sa mga cashier, bagger at promidizer na hindi binibigyan ng PPEs, ang mga security guards ay wala ring natatanggap na regular na probisyon ng mga gamit na magbibigay proteksyon sa kanila, at sa halip sila mismo ang gumagastos ng sarili nilang pera para makabili ng face mask.
“Yung isang malaking supermarket, binigyan lang sila ng face mask ng isang beses at ang mga sumunod na araw sila na ang dapat mag-provide ng kanilang mga gamit. Yung mga security guard naman, binigyan sila ng face shield pero pagdating sa face mask sila na ang bumili para sa kanilang sarili,” pagbubunyag ni Marcos.
Matatandaan noong Labor Day, May 1, sa nilagdaang guidelines nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Trade Secretary Ramon Lopez, malinaw na isinasaad sa kautusan na kailangang may probisyon ng mga PPEs ang mga employers para sa kanilang mga empleyado para matiyak ang kaligtasan ng mga ito laban sa COVID-19.
“Ano ba yan, pati ba naman face mask ipagdadamot nyo pa sa sarili ninyong mga empleyado? Kakarampot na nga lang ang sinasahod ng mga cashier, bagger at promodizer, pero natitiis pa ninyong sila mismo ang bumili ng face mask mask at alcohol,” galit na pahayag ni Marcos.