NAGING matinding mitsa ng giyera ng salitaan ang makasaysayang pagkasakang ni Kathryn Bernardo. Talagang literal siyang pinipintas-pintasan at nilalait-lait ng mga bashers sa social media.
May naglabas pa ng retrato ng plais, ganu’n daw katindi ang kasakangan ng karelasyon ni Daniel Padilla, may nagkomento pa nga na hindi na kailangan pang bumukaka ni Kathryn para makalusot sa magkabilang binti niya ang kanyang alagang aso.
Kung pikon ang dalagang aktres ay talagang papatulan niya nang walang patumangga ang mga namimintas sa kanyang mga binti.
Para kasing isang malaking krimen ang pagiging sakang, para bang ang dami-dami niyang tinatapakan at sinasagasaang tao nang dahil sa pagiging sakang niya, parang ganu’n ang upak ng mga bashers sa kanya.
Pero hinarap ni Kathryn nang mahinahon ang kanyang kapintasan. Tama siya, ‘yun ang ibinigay sa kanya ng Diyos, bahagi ‘yun ng kanyang pangkalahatan bilang tao.
At sino ba namang tao ang perpekto? Sabi nga sa isang blind item ng isang banyagang diyaryo, “She may be very beautiful, she’s sexy, but OMG! Se has bad breath!” Isang sikat at magandang Hollywood star ang pinahuhulaan sa pitik-bulag.
Walang perpekto sa mundong ito. Palaging may kakulangan at kalabisan. Hindi krimen ang pagkakaroon ng mga binting sakang ni Kathryn Bernardo dahil ‘yun ang kanaturalan ng kanyang pagkatao.
* * *
Hindi rin nag-iisip nang malaliman ang mga pumupuntirya sa mga sakang na binti ni Kathryn Bernardo. Ang dapat nilang itanong sa kanilang mga sarili ay kung bakit sumikat ang dalaga ganu’ng meron siyang napakalinaw na kapintasan sa kanyang katawan.
Maliwanag ang dahilan. May talento siya, magaling siyang umarte, may kipkip siyang puhunan nang pasukin niya ang pag-aartista.
E, kung sakang na nga siya pero nganga pa siyang umarte, lalapitan ba naman si Kathryn ng magandang suwerte? Sisikat ba siya nang ganyan kasikat?
Ang dami-daming artistang hindi naman sakang, maraming nangangarap diyan na diretso naman ang magkabilang binti, pero dinidinig ba ng kapalaran ang kanilang hiling?
Sakang man o hindi, nang ipanganak si Kathryn Bernardo ay nakaguhit na sa kanyang palad na isang araw ay sisikat siya, walang makakokontra sa destinasyon ng kahit sino.
Kung ang mismong pinararatangan ngang sakang ay tanggap ang kanyang kakapusan, sino ba ang mga bashers na ito para problemahin ang kasakangan ni Kathryn, ikayayaman ba nila at ikapaghihirap ‘yun?
Kung si Daniel Padilla nga na boyfriend ni Kathryn ay tanggap na ang kanyang kapintasan, sino ang mga bashers at trolls na ito para problemahin ang kung tutuusin ay hindi naman problema, inaagawan ba sila ng pagkain ni Kathryn sa hapag nila?
Wala na silang magagawa, sakang na kung sakang si Kathryn Bernardo, pero sa kasakangan niyang ‘yun ay naabot niya ang kanyang mga pangarap dahil sa kanyang talento.
Inuulit namin, napakaraming nangangarap na personalidad na walang kapintasang panlabas, pero hanggang ngayon ay nakikipagsuntukan pa rin sa buwan para magtagumpay.
Pero dahil nagsikap, nangarap at nagsipag si Kathryn Bernardo, ang mga planeta ng kanyang pangarap ay luminya nang maayos, kaya meron na siyang sariling upuan ngayon sa ituktok ng tatsulok.