ANG House Bill No. 6732 o yung ABS-CBN franchise bill na ngayon ay nakabinbin at dinidinig ng Kongreso ay halos pareho lang ng prangkisa na ipinagkaloob ng Kongreso sa GMA Network noong April 21, 2017 at sa TV 5 noong April 22, 2019. Ang halos pinagkaiba lang ay ang termino ng prangkisa.
Sa RA No. 10925, ang GMA Network ay binigyan ng 25 years. Ganoon katagal din ang binigay ng RA No. 11320 sa TV 5.
Hanggang October 31, 2020 naman ang nakalagay sa House Bill No. 6732 na maaari pa naman mabago at humaba depende sa mapagkakasunduan ng Kamara at Senado.
Ang Senado ay may kapangyarihan, ayon sa Constitution, baguhin o amyendahan ang House Bill No. 6732.
Maaaring ipanukala nito na ang termino ng ABS-CBN franchise ay hanggang 1 taon o 25 taon.
Kung sakali na yung termino na gusto ng Senado ay kontra o hindi sang-ayon sa House Bill No. 6732, magkakaroon ng isang bicameral conference committee. Dito pag-uusapan at aayusin ng Kamara at Senado ang gusot, hanggang sila ay magkasundo sa isang termino na dapat ibigay sa ABS-CBN.
Maaaring magkaroon ng problema sa parteng ito, kung sakaling magmatigas ang Kamara o ang Senado sa terminong gusto nila at hindi ito nagkasundo.
Tandaan, walang prangkisa, walang broadcast. Walang batas, walang prangkisa. Walang prangkisa, walang ABS-CBN sa ere.
Sa prangkisa ng GMA Network at TV 5, ito ay may equality clause o yung tinatawag na “most favored treatment clause”.
Ito ang klase ng batas na nag-gagawad ng kalamangan (advantage) pribilehiyo at pabor sa mga kumpanya sa isang industriya para magpantay ang kanilang kakayanan makipagkumpitensya.
Ang ibig sabihin nito ay kung anuman ang ipagkaloob sa GMA Network, na wala sa prangkisa ng TV 5 ay maituturing na parte na rin ng prangkisa ng TV 5. Kaya kung sakaling maaprubahan ang House Bill No. 6732, yung mga pinagkaloob sa GMA Network at TV 5 ay hindi mag-aapply sa ABS-CBN . Ito ay dahil ang House Bill No. 6732 ay walang equality clause na binibigay sa prangkisa ng ABS-CBN.
Dahil naman may equality clause ang GMA Network at PTV 5 sa kanilang mga prangkisa, lahat naman ng ibibigay sa ABS-CBN ay pakikinabangan at magagamit ng GMA Network at PTV 5
Maaari pa itong mabago at mapagkalooban ng equality clause tulad ng binigay sa GMA Network at TV 5 kung ito ay mailalagay sa Senate version ng ABS-CBN franchise bill.
Kagaya din ng mga prangkisa ng GMA Network at TV 5, ang House Bill No. 6732, kung maisasabatas, ay bibigyan din ng mga bagong awtoridad at kapangyarihan na wala at hindi makikita sa dati nitong prangkisa.
Alin sa mga ito ay ang paggamit at pag-operate ng new technologies, digital television, at program distribution services. Ang mga ito ay pinagkaloob din sa prangkisa ng GMA Network at TV 5.
Siyempre pag may kapangyarihan, may obligasyon. Sa kanilang mga prangkisa, ang GMA Network at TV 5 ay obligadong magbigay ng Public Service Time sa gobyerno na katumbas ng 10 porsyento ng bayad sa patalastas o advertisements. Pinapatungan din ng ganitong responsibilidad ang ABS-CBN sa House Bill No. 6732.
Ang GMA Network at TV 5, kasama na ang ABS-CBN kung sakaling mabigyan ng prangkisa ito ay inaatasan din kumuha ng permit o lisensya sa National Telecommunication Commission (NTC).
***
Noong Huwebes (May 14), unang lumabas sa column na ito ang hindi pag-obserba at pagsunod ng Kamara sa tinakdang proseso at alituntunin ng Constitution ng ipasa nito noong Myerkules (May 13) sa first at second readings ang House Bill No. 6732 o yung ABS-CBN franchise bill sa loob ng isang araw.
Dahil sa paglabas nito, ilan sa mga Kongresista ang nanawagan na ibalik ang ABS-CBN franchise bill sa second reading upang makapag-comply sa Constitution. Ito rin ang pananaw ng isang senador at dating senador.
Ang pagkakamali sa pagpasa ng ABS-CBN franchise bill ay maari pang ituwid habang may oras pa. Mas mahirap at sayang ang panahon kung ito ay ipapasa ng Kongreso para ma-Veto lang ng pangulo o dikaya ma-pawalang bisa lang ng korte dahil isa itong unconstitutional.