4 nilamon ng ilog sa Isabela

ISANG tao ang nasawi at tatlo pa ang nawawala sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa mga bahagi ng Cagayan River na nasa lalawigan ng Isabela.

Pinaniniwalaang dulot ng bagyong “Ambo” ang dalawa sa mga insidente, kung saan nawala sina Rex Ferndez, 20, at Robin Angoluan, 44, ayon sa ulat ng Isabela provincial police.

Naganap ang pinakahuling insidente sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng Brgy. Villa Victoria, bayan ng Echague, dakong alas-9:30 ng umaga kanina.

Nangisda sa ilog si Rex, kasama sina Gody Ferndez at Fernando Guiang, pero habang pauwi na’y lumubog ang kanilang bangka dahil sa malakas na agos ng tubig.

Nasagip ng iba pang mangingisda sina Gody at Fernando, pero di natagpuan si Rex, ayon sa pulisya.

Bago ito, dakong alas-5:30 ng hapon Biyernes, nawala rin si Robin Angoluan, 44, sa bahagi ng Cagayan River na sakop ng Brgy. Mabantad North, Cauayan City.

Nagtungo si Robin at kuya niyang si Roy, 47, sa ilog para manghuli ng isda, pero nang lumusong ang una para magkabit ng lambat ay bigla siyang nawala, ayon sa ulat.

Sa isa pang naunang insidente, nasawi si Arjay Concha, 18, at nawala si Jericho Allauigan, 18, nang mag-swimming sa bahagi ng Cagayan River na nasa Brgy. Pilitan, bayan ng Tumauini.

Naganap ito dakong alas-3 ng hapon Huwebes, bago pa naramdaman ang bagyo sa Isabela.

Unang naiulat nawawala sina Concha at Allauigan, pero natagpuan ang bangkay ng una sa gilid ng ilog sa Purok 2, Brgy. San Antonio, bayan ng Delfin Albano, alas-9 ng umaga kanina.

Pinaghahanap pa ng mga lokal na awtoridad ang mga nawawala, habang isinusulat ang istoryang ito. (John Roson)

– end –

Read more...