DALAWANG tao na ang naiulat na nasawi at di bababa sa pito ang nasugatan noong kasagsagan ng bagyong “Ambo.”
Nasawi si Lourdes Quinto, 62, nang mabagsakan sa ulo ng bahagi ng nabuwal na pader ng kanilang bahay sa Brgy. San Vicente Silangan, Catanauan, Quezon, ayon sa ulat ng provincial police.
Sugatan naman ang asawa niyang si Melencio Quinto, 66, dahil nabagsakan sa binti.
Naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga, habang malapit ang sentro ni “Ambo” sa Catanauan.
Una dito, nasawi si Lorenzo Novelo, 54, nang makuryente sa Sta. Elena, Camarines Norte.
Kinukumpuni ni Novelo ang bubong na yero ng kanyang bahay bilang paghahanda sa pagdaan ng bagyo, nang siya’y makuryente, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Nasugatan ang live-in partner ni Novelo na si Angelica Lotino, 31, nang makuryente din dahil sinubukan niyang sagipin ang una.
Naganap ito dakong alas-6 ng gabi Huwebes. Lumabas sa imbestigasyon na nadikit sa live wire ang isang bahagi ng bubong.
Sa Can-avid, Eastern Samar, nasugatan sina Wilfredo Monteel, 14; Hermogenes Villasis, 47; Alexander Tegio, 53; at Melvin Mercado, 27, nang tamaan ng debris, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Eastern Visayas.
Una nang inulat ng ahensiya na sugatan din si Edmundo Jabon, 56, nang wasakin ng malalakas na hangin at alon ang kanyang bangka, malapit sa Jiabong, Samar.