ANG pagiging maangas o arogante ang sinisilip ng ilang mga netizens sa naging asal ni Coco Martin nang resbakan niya ang mga tao sa likod ng pagpapasara sa ABS-CBN.
Umabot na nga sa puntong ipinaboboykot ang mga produktong ineendorso niya para raw maramdaman ng aktor ang tindi ng galit ng mga anti-ABS-CBN sa kanya.
Ang latest nga, nag-sorry na si Coco, bagay na hindi namin maunawaan. Katumbas kasi ‘yon ng pag-atras sa kanyang paninindigan.
Partikular niyang tinukoy sa kanyang Instagram post recently ang pangalan ni Solicitor General Jose Calida na sinasabing nasa likod ng pagpapasara sa ABS-CBN.
Aniya, “Alam ko po na mabuti kayong tao. Kung anuman po ang inyong nagawa, maaaring tawag iyon ng inyong tungkulin.”
“Pasensya na po kayo kung may nasabi po kami na galit sa aming dibdib at sana maunawaan din po ninyo iyon,” dagdag ni Coco.
Pero ang isa pang issue ay ang ka-OA-n ng manager ni Mocha Uson na si Byron Cristobal (o Banat By).
Sukat ba namang sa kabila ng ipinatutupad na stay home policy ay sumugod sa ABS-CBN para lang alamin ang address ni Coco na naunang naghamon ng basagan ng mukha?
As if naman ituturo ng mga network guards kung saan nakatira si Coco, and as if naman papapasukin ang Byron na ‘yon sa loob ng village na tinitirhan ng aktor para lang pagbigyan ang plano niyang makipagbugbugan kay Cardo Dalisay.
Ang OA ng mga anti-Coco Martin, mga nanonood naman dati ng Ang Probinsyano!
* * *
Sa isa pang Instagram post ni Coco, inamin niyang hindi basta-basta laban ang pinasok niya pero para sa mga kasamahan niya sa trabaho, handa siyang manindigan.
“Alam kong napakahirap ng pinasok ko, pwede naman akong manahimik na lang at magsawalang-kibo, pero napakasakit sa akin na makita kong naghihirap ang aking mga kasamahan sa trabaho habang ako ay kumportableng nabubuhay.
“Kami ang magkakasama na naghihirap para magkaroon ng ipapalabas gabi-gabi, kahit kaakibat nito ang peligro na may maaring maaksidente sa bawat eksenang ginagawa namin para mapasaya ang mga tumatangkilik sa amin.
“Sinusuong namin ang kahit anong kalamidad makapagbigay lang ng kaledad na palabas sa manunuod, at upang makapagbigay ng inspirasyon na lumaban sa kahit anong hamon ng buhay.
“Hindi lang po basta trabaho ang ginagawa namin sa likod at harap ng camera, ito ang pagseserbisyo namin sa bayan at sa lahat ng Pilipino saan mang lupalop ng mundo!!!” ang mensahe pa ng aktor.