HASHTAG #RelateMuch ang dating GMA news reporter na si Michael Fajatin sa kontrobersyal at pinagtatawanang “classroom” analogy ni Kim Chiu.
After 13 years, kumalat uli sa social media ang live news report blooper ni Michael na inihahalintulad ngayon sa hindi maintindihang paliwanag ni Kim tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN gamit ang kuwento ng “classroom”.
Kung matatandaan, naganap ang viral video ng dating Kapuso news reporter sa late-night news program na na Saksi noong June 8, 2007. Nagko-cover siya noon ng rally sa Mendiola, Manila.
Si Arnold Clavio ang nagpakilala sa kanya para nga nagbigay ng update sa nangyaring dispersal sa Mendiola.
Sabi ni Michael Fajatin, “Igan pasado alas-otso nang tahimik na mag-disperse ang mga ralyista sa San Sebastian… ngunit matapos ang ilang negosasyon… ito’y matapos na nag-disperse sila… pagkatapos nito, a, hindi na sila nag-away… nag-away kasi sila sa simula… pagkatapos nito’y nagkaroon sila ng pag-aaway sa simula.”
Hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong isa sa most viewed bloopers sa socmed at aware naman diyan si Michael. Kaya nga aminado siya na nakaka-relate siya ngayon sa sitwasyon ni Kim.
Until now, hot topic pa rin ang naging statement ng aktres sa Laban Kapamilya online live chat kung saan ikinumpara nga ni Kim ang mga rules sa loob ng classroom sa pagpapasara sa ABS-CBN.
Sabi ni Kim, “Sa classroom, may batas. Bawal lumabas.
“O, bawal lumabas, pero pag sinabi, pag nag-comply ka na bawal lumabas.
“Pero may ginawa ka sa pinagbabawal nila, inayos mo yung law ng classroom niyo at sinubmit mo uli, ay puwede na pala ikaw lumabas.”
At dahil diyan, na-bash siya nang bonggang-bongga at ginawan pa ng mga meme. May ilan pang gumawa ng kanta at ginamit na lyrics ang mga sinabi ng dalaga.
Sa Facebook, nire-post ni Michael ang isang meme kung saan pinagtabi ang litrato nila ni Kim kalakip ang quote cards kung saan nakasulat ang kanilang viral bloopers.
Caption ni Michael sa kanyang FB post, “Para po sa lahat ng hindi maintindihan ang sarili paminsan tulad namin ni ms. Kim Chiu masaya po ang mabuhay.
“Wag lang po hindi kayo maintindihan palagi ibang level na po yun. (hindi po ako ang gumawa ng VS. meme na ito nakita ko lang na kumakalat sa socmed),” aniya pa.