KINUMPIRMA na ni Olympics-qualifying national boxer Eumir Felix Marcial na tuloy na ang pag-akyat niya bilang professional boxer.
“I will sure go with the best deal, the fairest deal,” sabi ni Marcial sa panayam ni Inquirer columnist Percy Della.
Sinabi ng Tokyo Olympics-bound national middleweight boxer at 24-anyos na Zamboangeño na pipirma siya ng kanyang kontrata matapos itong mapag-aralan at maayos ng kanyang management team na kanyang pipiliin mula sa iba’t ibang grupo na gustong kumuha sa kanya.
Hindi naman pinangalanan ni Marcial sa ngayon ang kanyang napili bagamat may indikasyon na may napupusuan na siya sa tatlong manager na hangad makuha ang kanyang serbisyo.
Kabilang na dito sina Hall of Famer at dating handler ni Manny Pacquiao na si Shelly Finkel, Keith Connolly at Sean Gibbons, ang pangulo ng promotions company ni Pacquiao.
Maliban sa pag-alok sa kanya ng magkakaparehong P10-milyong signing deal, sinabi ni Marcial na ang kanyang napupusuang manager ay hindi hahadlang sa kanyang hangaring magwagi ng Olympic gold medal at isinama ang nasabing kondisyon sa inaalok na kontrata.
Sa pag-urong ng Tokyo Olympics sa susunod na taon bunga ng coronavirus pandemic, naniniwala si Marcial na ang pagsampa niya sa pro boxing ay makakatulong para mahasa pang mabuti ang kanyang kakayahan para maisakatuparan ang pangarap niya at kanyang ama na si Eulalio na magwagi ng ginto sa Summer Olympic Games.
Ang mga professional fighters, hanggat nakapag-qualify na at sumusunod sa World Anti-Doping Agency doping code, ay pinapayagang lumahok sa Olympics bunga na rin ng bagong boxing rules.
Tahimik naman ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (Abap), ang national sports association na may hawak kay Marcial, sa naging desisyon ng kanilang boksingero.
Ayon kay Abap secretary-general Ed Picson hindi na muna magsasalita tungkol sa nasabing isyu si Abap president Ricky Vargas hanggang hindi nito nakakausap ng personal si Marcial.
Nauna nang umapela si Vargas sa mga humahabol kay Marcial na huwag guluhin ang kanilang boksingero sa paghahanda nito sa Olympics. Sinabi rin ni Vargas na hindi nagmamadali si Marcial sa kanyang magiging desisyon patungkol sa kanyang hinaharap hanggat hindi sila naghaharap.
Subalit mukhang iniisip na ni Marcial ang kanyang career at pamilya kaya malamang na pumirma na ito ng kontrata bago ang paghaharap nila ni Vargas.
Wala namang nakikitang problema ang three-time Southeast Asian Games gold medalist at World Championship silver medalist, na isa sa mga hinahabol na middleweight boxer sa kasalukuyan, sa kanyang koneksyon kay Vargas.
Sinabi rin ni Marcial na nakatutok na siya sa matagumpay na kampanya sa Tokyo Games at mananatili siya sa pangangalaga ng Abap habang hinahawakan pa ng kanyang mga coach at trainer na siya ring inaasahan niya na tutulong sa kanya sa pagsampa sa pro boxing.