3 Probinsyano stars kumampi kay Coco: Ipaglalaban natin ‘to, kasama mo kami 

KUNG maraming galit na galit ngayon kay Coco Martin dahil sa matapang na pagpapakita niya ng suporta sa ABS-CBN, dumepensa naman ang ilan niyang kaibigan sa showbiz para soplahin ang bashers.

Naglabas pa sila ng ebidensiya para ibandera sa buong universe ang kabutihan ng kanyang puso taliwas sa mga akusasyon at bira ng mga anti-ABS-CBN.

Sa ilang videos na naka-post sa official Facebook page ni Coco, mapapanood ang mensage ng ilan niyang katrabaho sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Ayon sa kaibigan at co-star niya sa serye na si John Prats, “Ang pagkakakilala ko sa kanya sobrang mapagmahal, protective. Hindi lang po sa pamilya niya kundi pati sa aming mga kaibigan niya at sa mga kasamahan niya sa FPJ’s Ang Probinsyano. 

“Never niyang inisip ang sarili niya. Lagi niyang iniisip kung ano ang kapakanan ng lahat kaya ‘yun ang hinangaan ko sa kanya at ‘yun ang nagpatibay ng aming pagkakaibigan,” papuri pa ng actor-director kay Coco.

Sabi naman ng veteran actor na si Jaime Fabregas, “Naniniwala ako na ang bawat Pilipino ay may karapatang ihayag ang kaniyang damdamin, sabihing ang kanyang saloobin para malaman ng ating mga kababayan, ng mga nanunungkulan at ng buong mundo kung ano ang tunay na nangyayari rito. 

“Maraming nagbubulag-bulagan, maraming nagbibingi-bingihan pero ako po nandito dahil ipinaglalaban ko rin ang tunay na pinaglalaban ni Coco – ang demokrasya, ang kalayaan ng ating bansa.”

Ito naman ang pahayag ni Angel Aquino na galit na galit din sa pagpapasara sa ABS-CBN, “Isang malaking pang-aapi ang ginawa nilang pagpapasara ng ABS-CBN. Hindi kami titigil dahil ang laban ito ay hindi lang para sa amin o sa aming pamilya o sa aming mga kasama. 

“Ang laban na ito ay para rin sa mga Pilipinong naghahangad ng tamang pamamahala at tunay na pamumuno. Ipaglalaban natin ng tama. Kasama mo ako, Coco. Karapatan natin ito. Sinusuportahan kita. Gawin natin ‘to para sa bayan,” aniya pa.

Samantala, ipinagdarasal naman ni Angel Locsin si Coco pati na si Kim Chiu na binabatikos din ngayon ng mga bashers, “I pray for protection for the both of you. I know your intentions are pure and thank you for standing up for what you believe in.”

Read more...