Suspected COVID-19 patient tumalon sa ospital

NASAWI ang isang matandang babae, na hinihinalang dinapuan ng 2019-Coronavirus disease (COVID-19), matapos diumanong tumalon mula sa ikatlong palapag ng ospital sa Tuguegarao City, Cagayan, kaninang madaling-araw.

Ang nasawi’y 89-anyos na residente ng lungsod, ayon sa ulat ng Cagayan Valley regional police.

Nadiskubre ang insidente sa Cagayan Valley Medical Center dakong alas-3.

Sinabi sa pulisya ng duty nurse na sumilip siya sa glass panel ng isa sa mga silid para sana tingnan ang lagay ng pasyente, pero nakitang wala ito sa kama at tanging gown na lang ang naiwan.

Pumasok sa silid ang nurse at tiningnan kung nasa banyo ang pasyente, pero di pa rin ito natagpuan.

Kasunod nito’y napansin ng nurse ang monoblock chair sa gilid ng bintana, at nang dumungaw ay nakita na lang na nakahandusay ang pasyente sa baba ng gusali.

Ipinasuri sa doktor ang pasyente pero wala na itong pulso at di na humihinga, ayon sa ulat.

Nagsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon ang Tuguegarao City Police kaugnay ng insidente.

Read more...