Angelica: Free mass testing at ayuda ang isyu…hindi ABS-CBN ang kalaban dito

ANGELICA PANGANIBAN

IPINAMUKHA ni Angelica Panganiban sa gobyerno na hindi ABS-CBN ang kalaban ngayon kundi ang killer virus na COVID-19.

Ipinagdiinan ng Kapamilya actress na mas marami pang dapat unahin ang mga taong nasa pamahalaan kesa pag-initan ang kanilang network at tanggalan ng karapatan ang madlang pipol na makapamili ng panonoorin nilang mga programa sa telebisyon.

Nakiusap din ang aktres na tigilan na ang pamba-bash sa ABS-CBN at sa mga taong nagpapahayag ng suporta at pagmamahal sa network.

“Tandaan sana natin na hindi ABS-CBN ang kalaban ngayon. Hindi po ang mga artista na nagpapahayag ng kanilang saloobin ang kalaban ngayon,” ang pahayag ni Angelica sa Facebook Live chat ng mga Kapamilya stars kagabi.

Pahayag pa ng dalaga, marami pang mas matitinding problema ang bansa na dapat pagtuunan ng mga taong nasa gobyerno lalo na ang hindi pa rin natatapos na heath crisis.

“Ang issue ay free mass testing. Ang issue ay iyong pagbibigay ng ayuda para sa mga mas nangangailangan.

“Ang issue po ay ang pagiging handa ng ating healthcare system sa isang pandemya.

“Ang issue ay ang kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Pilipino. Ang issue ay kung saan kukuha ng pagkain ang bawat pamilya,” pahayag pa ng aktres.

Pagpapatuloy pa ng tinaguriang Hugot Queen, “Hindi po ABS-CBN ang kalaban. Virus ang kalaban.

“Iyan ang kailangang sugpuin. Iyan ang kailangan nating sagutin,” sey pa niya.

Kung matatandaan, buong tapang na inamin noon ni Angelica na isa siya sa mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte pero aniya, nagising na raw siya sa katotohanan.

Binawi na ni Angelica ang pagsuporta kay Duterte dahil sa kontrobersiyal na “shoot them dead” statement ng Pangulo noong nag-rally ang ilang residente sa Quezon City para manghingi ng ayuda.

Isang netizen ang nagtanong kay Angge ng, “Nagising ka na ba sa pagka-hypnotize?” Na ang tinutukoy nga ay ang kanyang pagiging Duterte supporter.

Hirit ng dalaga, “Yes. Nakakalungkot. Pero oo. Patawarin niyo ko. Sorry natagalan.”

Read more...