Angelica nanindigan para sa ABS-CBN: Hindi ito tama sa bansa natin na may demokrasya

KUMAKAGAT at matapang ang bawat salitang binitiwan ni Angelica Panganiban laban sa pamahalaan at sa mga taong nasa likod ng pagpapasara sa ABS-CBN.

Ayon sa Kapamilya actress, tinanggalan ng karapatan ang mga Filipino na makapamili ng gusto nilang panoorin at pakinggan nang ipag-utos ng National Telecommunications Commission ang pagpapatigil sa operasyon ng Dos.

Sa pagpapatuloy ng “#LabanKapamilya” online protest sa Facebook Live ng mga talents ng ABS-CBN humarap si Angelica sa publiko para ilabas ang kanyang saloobin at reklamo.

“Naniniwala ako na mahalaga ang kalayaan para sa isang katulad kong artista.

“Ang maipahayag ang aking saloobin nang buong tapang at walang halong takot.

“At bilang isang artista ng bayan, tayo ang magsisilbing boses para sa mga hindi makapagsalita.

“Tenga para sa mga hindi makarinig. At mata para sa mga hindi nakakakita. Tayo po ang magiging sandigan nila kung sila ay nalulungkot, gustong tumawa, gustong sumaya.

“Magbigay ng impormasyon sa panahong kailangang-kailangan po natin. Ito po ang aming responsibilidad,” pahayag ng aktres.

Patuloy pa niya, “Nararamdaman ko ang agam-agam at ang walang kasiguraduhang kinabukasan nating lahat ngayon.

“Alam nating lahat na hindi lang kami ang talo sa pagpapasara sa ABS-CBN. Taumbayan ang talo sa laban na ito,” lahad pa niya.

Nanindigan ang aktres na hindi makatarungan ang ginawang pagpapasara sa ABS-CBN, “Hindi po ito tama. Hindi po ito tama sa bansa natin na may demokrasya.

“Sa bansa natin na dapat may kalayaang mamili, at kalayaang makapagpahayag.

“Hindi po tayo papayag na iilang tao na lang ang magdidikta sa atin kung ano ang dapat nating panoorin. At kung ano ang dapat nating pakinggan,” diin pa ni Angelica.

Read more...