PERSONALAN na ang pambabatikos ng ilang netizens laban kay Coco Martin dahil sa matapang na pagtatanggol nito sa ABS-CBN.
Kaliwa’t kanang banat ang natatanggap ngayon ng Ang Probinsyano lead star matapos umalma at birahin ang mga taong nasa likod ng pagpapasara sa Kapamilya Network.
Sinabi ng award-winning actor na hindi makatarungan ang ipinalabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commission laban sa ABS-CBN.
At nitong nakaraang araw, naglabasan nga ang mga pekeng quote cards kung saan pinagtripan ang pagkakaroon ni Coco ng problema sa pagbigkas ng letrang “S” o ang tinatawag na “lisp” na isa klase ng speech disorder.
Kalat na ngayon sa social media ang mga artcard memes kung saan pinalitan ng mga gumawa nito ng letrang “t” ang lahat ng letrang “s” sa pahayag ni Coco na inilabas ng ABS-CBN.
Dahil dito, naglabas agad ng disinformation alert ang Kapamilya network at nakiusap na tigilan na ang panggagamit sa speech defect ni Coco para lang makaganti at pagtawanan ang aktor.
Narito ang official statement ng network, “Hindi gagawa ang ABS-CBN ng ano mang panlalait o pagmamaliit sa kahit sinong tao.
“Kaya sana ay iwasan din natin at huwag i-share ang ganitong anyo ng disinformation.
“Maging mapanuri sana tayo at iwasang makapanakit ng kapwa.”
Kung babalikan naman ang mga nakaraang pahayag ni Coco, tanggap niya ang kanyang mga kakulangan at kapintasan. Kahit kailan ay hindi niya ikinahiya ang problema niya sa pagsasalita.
Nagpasalamat pa nga siya sa ABS-CBN dahil kahit bulol siya at may speech defect ay pinagkatiwalaan pa rin siya ng ABS-CBN.