ENJOY na enjoy ang Kapamilya TV host-actor na si Nikko Natividad sa pagpatol sa bashers at haters, lalo na sa mga anti-ABS-CBN.
Maraming nayayabangan at naaangasan sa member ng Hashtag dahil sa paraan ng pagtatanggol nito sa pagpapasara sa Kapamilya Network.
May mga netizens na nagsabing masyado raw feeling sikat ang aktor at trying hard lumebel kina Coco Martin, Angel Locsin at Kim Chiu na matapang ding nagpapahayag ng kanilang paglaban para mabigyan uli ng franchise to operate ang ABS-CBN.
Talagang sinusupalpal ni Nikko ang kanyang mga bashers lalo na yung mga personal na ang banat sa kanya.
Nitong nakaraang araw, sinagot din niya ang ilang netizens na nagsabing pwede naman daw lumipat ang mga taga-ABS-CBN sa rival network nitong GMA 7.
Comment ng netizen, “E, di maglipatan kayo lahat sa GMA” na sinagot naman ni Nikko ng, “Anu tingin nyo samin naghahanap lang ng apartment?”
Komento naman ng ilang netizens, huwag daw mag-alala si Nikko dahil wala namang balak ang GMA na kunin siya. May nagpayo rin sa kanya na huwag siyang masyadong mayabang dahil baka karmahin siya at madamay pa ang ABS-CBN sa kaangasan niya.
Narito ang mga sumunod na mensahe ni Nikko, “Hindi nako mabibigla kung hindi nila gets meaning nung post ko.
“Salamat sa mga sumusuporta. Ok lang ako madlang pips.
“Pinipikon ko lang yung mga basher at troll [kisses emojis] Last na to. Sana kayanin ko na hindi na mang asar [laughing emoji].
“Goodnight bashers at troll thankyou at sobra nyo akong nilibang.”
Sa mga hindi pa nakakakikala kay Nikko Natividad, siya ang itinanghal na winner sa “Gandang Lalake” contest ng It’s Showtime noong October, 2014. Pagkatapos nito, naging regular na siya sa noontime show bilang member ng Hashtag.