NAPAIYAK ang Kapamilya actress na si Dimples Romana habang binibigyan ng tribute ang ABS-CBN na itinuturing na niyang “pangalawang ina”.
Ayon kay Dimples, mula pagkabata ay nasa ABS-CBN na siya at ito na ang naging tahanan niya sa loob ng napakaraming taon.
Sa isang maikling video na ipinost niya sa Instagram, ibinahagi ni Dimples kung paano natulungan ng kanyang mother network ang pamilya niya. Mula noon hanggang ngayon ay hindi siya iniwan sa laban ng Dos.
“Gusto ko lang po magbigay ng pugay sa aking tahanan, sa inang itinuturing ko dahil sa maraming taon po na nagtatrabaho ako sa aking pamilya para maitaguyod ang aking mga kapatid at ang aking mga magulang at ngayon po ang aking pamilya, hindi po ako binitawan ng ina kong ito,” ang lumuluhang pahayag ng aktres.
“Dito ko po natutunan na maging mabuti sa kapwa. Dito ko po natutunan ang tunay na ibig sabihin ng pamilya.
“Kaya pasensya na po kayo kung nagiging emosyonal kami, ako. Siguro sa sobrang pagmamahal na rin na tinatanaw namin sa aming mga Kapamilya,” aniya pa.
Naniniwala si Dimples na makakabalik pa rin ang ABS-CBN matapos itong magsara dahil sa cease and desist order na ipinalabas ng National Telecommunications Commission (NTC).
“Ang mensahe pong ito ay isang pagpupugay at pagmamahal sa aming ina.
“To my ABS-CBN family who has been like a mother to me for the past two decades, hang in there Kapamilya.
“We will see through this hurdle and we will be with one another. I know na madilim ngayon and alam ko rin po at naniniwala ako, I have faith, na mabibigyan po tayo muli ng pagkakataon.
“Sama-sama po tayong magdasal sa lahat po ng sumusuporta at nagmamahal, maraming maraming salamat po sa inyo,” mensahe pa ng Kadenang Ginto actress.