MAINIT pa ring pinag-uusapan ngayon ang isyu ng mental health sa gitna ng COVID-19 pandemic na kinahaharap ng buong mundo.
Magmula nang umatake ang killer virus, marami na ang nagbago sa mundong ginagalawan natin kaya hindi rin nakapagtataka na marami na ang nakakaramdam ng stress, anxiety at maging ng depression.
Mas dumarami rin ang celebrities na nagbabahagi ng kani-kanilang pangamba at coping mechanisms habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine.
Nagbigay ng personal advice ang Kapuso actress and “Owe My Love” star na si Lovi Poe kung paano malalabanan ang pandemic anxiety.
Una, kailangan daw simulan ang umaga nang positibo sa pamamagitan ng pag-e-exercise, pagdarasal, o meditation.
Malaking tulong din daw ang masayang tugtugin para pasiglahin ang sarili at hangga’t maaari iwasan muna ang malulungkot na kanta para hindi ma-depress o malungkot.
Dagdag ni Lovi, importante rin na panatilihing busy ang sarili para maiwasan makapag-isip ng kung anu-ano.
“The moment siguro may nararamdaman kang certain stress ulit, pick up a book and start reading, cook, bake,” sabi ng aktres.
Pinakahuli, gamitin ang panahon na ito upang pagtibayin ang relasyon sa ating mga mahal sa buhay lalo pa at higit na kailangan natin ng emotional support.
* * *
Speaking of Lovi Poe, nakatakdang ipalabas sa Dominican Republic ang hit GMA primetime series na “Someone To Watch Over Me” simula May 21.
Ang drama series na ito ay pinagbidahan nina Lovi, Max Collins at Tom Rodriguez. “No Me Olvides” ang magiging titulo ng serye kapag pinalabas na ito sa bansa.
Dahil sa magandang balita, nag-post si Lovi ng throwback photo niya kasama si Tom.
Aniya, “Que lo que, DR? Are you ready for #NoMeOlvides??! Remember this guys? It’s been four years since I portrayed Joanna in #SomeoneToWatchOverMe, yet it’s one of my most memorable projects. I’m glad this will be shown in the Dominican Republic starting May 21st every 4pm at Color Vision Canal 9.”
Iikot ang kwento ng drama series sa walang hanggang pagmamahal ni Joanna (Lovi) sa asawang si TJ (Tom) na maysakit na early-onset Alzheimer’s disease. Dahil sa sakit ng asawa, kailangan magsakripisyo ni Joanna kahit pa muling bumalik sa kanilang buhay ang ex-girlfriend ni TJ na si Irene (Max).