MALAKING benepisyo sa pinansiyal na aspeto ang pag-akyat ng dating Batang Gilas center na si Kai Sotto sa NBA G League imbes na pumasok sa kolehiyo.
Ayon kay Evan Daniels ng 247Sports na nagbabalita tungkol sa US college sports, si Sotto ay inaasahan na makakatanggap ng $200,000 (P10 milyon) sa kanyang kasunduan sa developmental league.
Si Sotto, na isang 7-foot-2 center mula sa Ateneo High School Blue Eaglets, ay sikat sa Pilipinas at pinamunuan ang bansa sa ilang FIBA junior competitions.
Matapos na mag-graduate sa high school, nagtungo si Sotto sa Estados Unidos at nag-enroll sa The Skills Academy sa Atlanta, Georgia na naging daan niya patungo sa NBA G League.
Kasama ni Sotto si Jalen Green, na isang Filipino-American, sa mga high-profile recruits na imbes na pumasok sa kolehiyo ay sumabak na agad sa developmental program ng NBA.
Si Green, ang No.1-ranked prospect sa ESPN rankings, ay napaulat na tatanggap ng $500,000 sa kanyang G League contract.
Si Sotto ay nasa No. 62 spot sa ESPN rankings at kabilang sa mga unibersidad at kolehiyo na gustong kumuha sa kanya ay ang Kentucky, University of Southern California, Georgia Tech, Auburn at DePaul.