WALANG balak manahimik si Coco Martin. Tapos na raw ang panahon ng pananahimik at pangdededma sa mga isyung dapat ipaglaban.
Nagpupuyos pa rin sa galit ang aktor dahil sa aniya’y hindi makatarungang pagsasara ng ABS-CBN at hangga’t hindi sila nakakabalik sa kanilang tahanan ay tuloy lang ang kanilang pakikipaglaban.
Muling nag-post ng napakahabang mensahe sa kanyang Instagram account si Coco para ibandera ang paninindigan sa laban ngayon ng ABS-CBN.
Narito ang kabuuang caption ni Coco sa kanyang IG page: “Mula ng gabing ipinasara ang ABS-CBN, napaisip ako kung ano nga ba ang ginawa naming mali.
“Sa pagdinig ukol sa prangkisa ng ABS-CBN sa senado isa-isang tinalakay ng mga senador ang mga kasong inihahain laban sa amin, at isa-isa rin itong naipaliwanag ng klaro at maayos ng mga namumuno sa kumpanya namin.
“Hindi ko maintindihan dahil sa araw-araw na pagtratrabaho ko sa ABS-CBN, ang laging nasa isip namin gaya ng ibang empleyado ay matugunan ang pangangailangan ng pamilya namin at maabot ang pangarap namin.
“Pero tinuruan kami ng ABS-CBN ng higit pa dun, tinuraan kami magserbisyo sa bayan sa pamamagitan ng pagtulong sa aming kapwa, sa paghatid ng balita, at magbigay ng ligaya at aliw, sa pamamagitan ng mga variety shows at mga teleserye.
“Bukod pa dun, kapag may natitira pang oras, nagpupunta kami sa mga lugar na kailangan ng tulong, mga lugar na kailangan ng saya kahit sa panandaliang oras lamang.
“Hindi ko lubos maisip na darating kami sa puntong ito, na tatanggalan kami ng hanapbuhay para lang sa kapakanan at ambisyon ng ibang tao – habang ako ay hindi makatulog kakaisip kung ano na ang mangyayari sa pamilya ko sa mga kasamahan ko sa hanap buhay at kung paano ako magsisimulang muli.
“Nag Dasal ako kung ano ba ang dapat kong gawin kung tatahimik ako at mag sasawalang kibo, hindi! kinakailangan kong lumaban! Alam ko na wala akong ginagawang mali at nasa likod ko ang Diyos.
“Hindi niya kami papabayaan dahil alam ng Diyos ang nasa kaibuturan ng aming mga puso, dahil wala kaming hinangad na masama sa amin kapwa.
“Natitiyak ko, na hindi man kami makakabalik agad sa aming tahanan, sa ABS-CBN, umaasa ako na hindi bulag ang batas. May mga tao lang na nagmamanipula nito at pilit tong binabaluktot para sa pansariling kapakanan.
“Pilit na ipinasara ang ABS-CBN para piringan at busalan ang taong-bayan.
“NGAYON. Hangga’t wala kami sa aming tahanan, asahan niyong hindi kami mananahimik at magsasawalang-kibo. Sa mga trolls, bashers at mga taong walang magawa sa buhay, asahan niyong maririnig niyo ang mga boses na matagal nang pinipigilan at galit na matagal nang kinikimkim sa aming mga dibdib!!!”