Updated: Kapitan minura, 4 huli sa panggugulo

ARESTADO ang dalawang lalaki at dalawang babae na nanggulo umano at pinagmumura ang kapitan ng barangay sa Quezon City kanina.

Kinilala ang mga suspek na sina Renato Godoy, 28, driver, Ronald Julia, 50, driver, Norma Eugenio, 60, at Lea Sanchez, 48, mga residente ng Brgy. Culiat.

Sa ulat ng pulisya pumunta umano ang mga suspek sa Barangay Hall ng Culiat alas-9:30 ng umaga. Ang galit umano ng mga suspek ay kaugnay ng ipinamimigay na Social Amelioration Program.

Pinagmumura umano ng mga suspek ang barangay hall. “Mga wala kayong kwentang barangay mga pu… ina ninyo”.

Lumabas si Kapitan Victor Bernardo, 55, upang payapain umano ang mga suspek subalit maging siya ay pinagmumura ni Sanchez. “Wala ka kwentang kapitan pu…. ina mo’’ saad umano nito.

Ang mga suspek ay inireklamo ng Alarm and Scandal, Unjust Vexation, paglabag sa Article 151 (Resistance/Disobedience to a person in Authority) kaugnay ng Bayanihan to Heal As One law.

Read more...