Mapipigilan ba ang tuluyang pagsasara ng ABS-CBN?

NITONG May 5, 2020, nagpalabas ng Cease and Desist Order (CDO) ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN Corporation. Ito ay matapos mapaso o mag expired ang legislative franchise (RA No. 7966) ng ABS-CBN noong May 4, 2020.

Dahil dito napilitang huminto sa operation ang ABS-CBN, kasama na ang pagpapahinto sa ere ng Channel 2, Channel 17, DZMM at iba pa.

Maraming naging katanungan ang sambayanan tungkol dito at ito ang ating tatalakayin.

Ang NTC ay isang ahensya ng pamahalaan na binuo sa ilalim ng EO No. 546 noong panahon ng dating pangulong Marcos.

Isa sa mga gawain at kapangyarihan nito ay mangasiwa (supervise) at magpasya (adjudication) ukol sa mga nasasakupan nito gaya ng mga broadcasting at radio stations at iba pa.

Ang NTC ay sakop ng executive department pero ito ay isang malayang mala-hudisyal ng mga lupon – quasi-judicial body – na may kapangyarihan gaya ng korte na magdesisyon at maghatol tungkol sa usaping nasasakupan nito.

Ang desisyon ng NTC ay pwede lamang dalhin at iapela sa Court of Appeals at Korte Suprema. Ito ang ginamit na legal remedy ng ABS-CBN ng magfile ito ng isang Petition for Certiorari sa Korte Suprema noong May 6, 2020 upang rebyuhin ang cease and desist order na ipinalabas ng NTC.

Hiniling din ng ABS-CBN sa Korte Suprema na magpalabas muna ng isang temporary restraining order (TRO) para mapigilan ang implementasyon ng cease and desist order habang nakabinbin at hindi pa nadedesisyunan ang kanilang Petition.

Kung sakaling magpapalabas ng TRO ang Korte Suprema, ang implementasyon ng cease and desist order ng NTC ay pansamantalang mapipigilan. Ang ibig sabihin, balik sa ere ang ABS-CBN habang nililitis at nireresolba ito ng Korte Suprema.

Kung wala namang TRO, tuloy ang cease and desist order ng NTC at ang tanging pag-asa na lang ng ABS-CBN para makabalik agad sa ere ay makakuha ng prangkisa.

Ang Kongreso lamang ang makakapagbigay ng legislative franchise sa ABS-CBN at ito ay sa pamamagitan lamang ng pagpasa ng isang batas. Isang batas na dumaan sa proseso, inaprubahan ng House of Representatives at Senado at pinirmahan ng Pangulo.

Kaya yung joint resolution na ginawa ng House of Representatives at Senado kung saan sinabi nila na pwedeng magtuloy ang ABS-CBN maski paso na ang franchise nito ay hindi uubra. Itong joint resolution ng House of Representatives at Senado ay hindi isang batas na makokonsidera at lalong hindi ito isang legislative franchise.

***

May debate at kalituhan din sa issue na kung ang Pangulo ay pwedeng utusan at pakialaman ang NTC sa trabaho nito bilang isang quasi-judicial body.

May nagsasabi na ang Pangulo, bilang head ng executive department o executive ng lahat ng executives, ay may kapangyarihan sa ilalim ng “control power” nito na rebyuhin at baliktarin ang cease and desist order. Ito ay dahil daw ang nagpalabas ng cease and desist order ay ang NTC na parte at sakop ng executive department.

Ang constitutional “control power” ng pangulo kung saan pwede nitong rebyuhin, balasahin,  baguhin at baliktarin ang desisyon ng lahat ng mga executive department at ng mga officials nito ay hindi applicable sa mga nagpeperform ng quasi-judicial function katulad ng National Telecommunications Commission (NTC). Kaya walang kapangyarihan ang Pangulo na rebyuhin, balasahin, baguhin at baliktarin ang cease and desist order ng NTC.

Wala ring kapangyarihan ang Pangulo na utusan, noon at ngayon, ang NTC na bawiin ang cease and desist order.

Mas lalong wala ring kapangyarihan ang pangulo, noon at ngayon, na utusan ang NTC na payagan ang ABS-CBN na mag operate maski walang legislative franchise.

 

Read more...