Senator Lapid isinulong ang buwanang pensyon para sa PWDs

ISINULONG ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang pagbibigay ng buwanang pensyon sa Persons with Disabilities (PWDs) na walang permanenteng kita at sinusuportahan lamang ng mga kamag-anak para sa mga kanilang pangangailangan.

Ito ang nakapaloob sa Senate Bill 1506 na inihain ni Lapid na layong bigyang prayoridad at karampatang tulong ang PWDs.

“Sa panahon na matindi ang pagsubok at kahirapan na pinagdaraanan ng publiko, wag sana natin kalimutan na mas higit na hirap ang dinaranas ng mga PWDs,”sabi ni Lapid.

Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng indigent PWDs na ‘verified and certified’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ay pagkakalooban ng buwanang pensyon na P2,000.

Sa sandaling maipasa ang nasabing panukala, maglalaan ang pamahalaan ng P2 bilyon para sa unang taon ng implementasyon nito.

“Malaking bagay na may dagdag tulong pinansyal ang ating gobyerno sa mga kapatid nating may kapansanan at walang regular na pinagkukunan ng kita. Inaasahan nating gagamitin ang ayudang ito para ipambili ng kanilang pagkain at gamot kada buwan,” dagdag ni Lapid.

Sa pagpapatupad ng nasabing programa, inaatasan ang DSWD at NCDA na bumuo ng database para sa lahat ng indigent PWDs.

Read more...