NBA games posibleng gawin sa 2 venue lamang

SINABI ni National Basketball Association (NBA) Commissioner Adam Silver kamakailan na ang desisyon kung kailan magsisimula ang pro league ay posibleng gawin sa Hunyo kung saan isa o dalawang venue lamang ang gagamitin.

Ang Orlando at Las Vegas ang nangunguna sa mga venue na posibleng gawin ang mga laro ng NBA.

Pinangunahan ni Silver ang ginanap na conference call na bukas sa lahat ng mga NBA players at ginawa para mabigyan sila ng balita tungkol sa estado ng liga sa panahon ng coronavirus (COVID-19) pandemic shutdown kasama si NBA players union executive director Michele Roberts.

Sinabi ni Silver sa mga players na kapag walang vaccine kontra COVID-19 malamang na ang liga ay maglaro na walang manonood na fans hanggang 2021.

Nais din ni Silver ang daily testing sa lahat ng mga players at ang magpopositibo ay kailangang ma-quarantine. Ang mga laro ay magpapatuloy na may mga opisyales na nakabantay para masiguro na ang lahat ay mababantayan at masusuri.

Dahil mahirap bumiyahe bunga ng social distancing at stay-at-home requirements ng ilang estado sa Amerika, naniniwala ang liga na mas ligtas na magbalik-aksyon sa isa o dalawang lugar lamang na kung saan ang Orlando at Las Vegas ang mga nanguguna sa mga pagpipilian.

“There’s no point in adding risk for flying all of you city to city if there’s not going to be fans. We think it would be safer to be in a single location, or two locations, to start,” sabi ni Silver.

Sinabi pa ni Silver na pinakamatinding pagsubok sa kanila ang pagkakaroon ng mga fans na manonood sa venue dahil ang 40 porsiyento ng kinikita ng NBA ay galing sa mga games at nagmumula sa mga tickets, sponsorship deals at concessions.

Sinabi rin ni Silver na ang lahat ng 30 team owners ay pabor na ipagpatuloy ang laro at ang liga ay nakatutok sa pagsasagawa ng tatlong linggo na training camp bago simulan ang mga laro.

Natigil ang regular season ng NBA magmula ng ihinto ng global COVID-19 pandemic ang lahat ng sports events sa mundo, na nagbunsod sa suspensyon o pag-postpone ng lahat ng mga professional league sa North America.

Sinabi pa ni Silver na nang itigil ang NBA season noong Marso 11 hindi si Utah Jazz center Rudy Gobert ang unang player na nasuri sa COVID-19. Siya lamang ang naunang sinuri na nagpositibo dito.

Ang ginanap na conference call ay isinagawa kasabay ng pagbubukas ng mga koponan ng kanilang mga practice facilities para sa limited workouts na gagawin alinsunod sa mga strict safety protocols.

Read more...