BUKOD sa matinding sakripisyo, hirap at pagod na dinaranas ng mga medical frontliner sa paglaban sa COVID-19, may isa pa silang kailangang paglabanan habang nasa “giyera”.
Sa bawat araw na inilalagi nila sa mga ospital na kanilang pinaglilingkuran, ang pinakamahirap daw na bahagi ng laban ay makita ang pinagdaraanang hirap ng kanilang mga pasyente.
Yan ang naikuwento ng dating DJ sa Barangay LS FM na si Papa Buboy na naglilingkod na bilang nurse sa isang ospital sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ayon kay Papa Buboy o Justin Candado II, naka-assign siya ngayon sa isang COVID-19 ward at nakikita niya ang paghihirap na dinaranas ng mga tinamaan ng killer virus.
Sa panayam ng GMA, inalala niya ang ilang pasyente na hindi pinalad mabuhay na aniya’y napakasakit din para sa kanilang mga healthcare workers.
“Frustrating talaga siya kasi you want to save this life, you have risked your life to save the life of this patient and yet talagang darating ‘yung part na ‘di na nila kaya,” aniya.
“I realized, ‘di naman natin maalis ‘yan na mayroon talagang fatalities.
“However good you are, ano mang tama ng ginagawa mo, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano mo kasipag gawin ‘yung trabaho mo. When it’s their time, it’s their time.
“We cannot do anything about it, and we give to God everything that we can,” pahayag pa ni Papa Buboy.
Samantala, nakiusap din ang dating DJ na huwag namang pandirihan o i-discriminate ang mga medical frontliners.
Naiintidahan naman daw nila ang pangamba ng mga tao na mahawaan sila ng COVID-19 pero aniya, nakakababa ng morale ang pagdi-discrimate sa mga tulad niyang healthcare professionals na frontliners.