“HINDI ko alam kung paano ako magsisimula dahil sobra ‘yung galit na nararamdaman ko.”
Matalim pa rin ang dila ng aktor na si Coco Martin sa online protest ng mga Kapamilya stars para ipaglaban ang ABS-CBN.
Sa isang Facebook Live session nitong Biyernes ng gabi, muling bumanat ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN.
“Ito po’y walang nag-utos sa amin. Kami pong mga artista, nagtulong-tulong, nagbuklod-buklod kasi gusto naming mailabas kung ano ‘yung nararamdaman namin,” simulang pahayag ni Coco.
“Hindi ko maipaliwanag at hindi ko rin alam kung paano ako magsisimula dahil sobra ‘yung galit na nararamdaman ko. Alam kong ang pag-aartista ay hindi panghabangbuhay. Maaring ngayon, uso ka, sikat ka pero lahat ‘yan ay walang kasiguraduhan. Lahat ‘yun ay pinaghandaan ko,” lahad pa niya.
Hanggang sa nagbalik-tanaw ang aktor kung anong hirap ang dinanas niya bago nakapasok sa showbiz kaya naman nu’ng mabigyan siya ng tsansa ay hindi na niya ito pinakawalan at talagang pinagbuti ang kanyang trabaho.
“Wala po akong talento. Ang liit ko, ang pangit ko, ang itim ko, bulol ako, hindi ako marunong mag-ingles, wala akong kapasidad o katangian para maging isang artista. Pero hindi po ‘yun ang tiningnan ng ABS-CBN. Ang tiningnan nila, kung ano ang kapasidad mo para magtrabaho at para ipakita ang talento mo.
“Ang turo sa akin ng lola ko, dapat marunong kang tumanaw ng utang na loob. Alam ko po na kung anumang narating ko sa buhay ko, kung anumang narating meron ako ngayon, ‘yun po ay utang na loob ko sa lahat ng mga taong sumuporta at nanood po sa amin. Sa lahat po ng taong humahanga sa amin. At dahil po sa tulong ng ABS-CBN,” kuwento ni Coco.
Dagdag pa niya, “Ang lagi lang pinapaalala ng mga boss namin, itong lahat ng ginagawa natin, ang kapalit nito ay serbisyo para sa bayan.
“Kung magkakaroon po kami ng pagkakataon, kaming mga artista, nagpupunta pa po kami sa mga probinsya. Bakit po? Para makapagbigay ng konting kaligayahan sa mga tao. Para makapagbigay po ng kahit konting tulong sa mga tao. Kaya po nagkakaroon kami ng charity, at iyon po ay bukal sa loob namin,” aniya pa.
Nabanggit din ni Cardo Dalisay na sa limang taong umeere ang FPJ’s Ang Probinsyano ay ilang beses na rin niyang naisip na huminto na dahil pagod na rin siya. Bukod kasi sa siya ang bida rito, siya rin ang direktor at kasama rin sa creative department.
Pero dahil maraming napapasaya ang programa nila kaya ito ang bitamina niya para magpatuloy.
Paliwanag daw kay Coco ng management, “Hindi na para sa atin ang ginagawa natin. Ginagawa natin ito para pagserbisyuhan ang ating bayan. Dahil ikaw ang nagiging magandang ehemplo para sa kabataan ngayon.
“Ikaw ang nagpapakita ng tunay na buhay sa mga nangyayari sa bawat Pilipino ngayon. Ikaw ang kanilang inspirasyon. Ang mga tao sa abroad na nalulungkot, na nakakapanood ng ating teleserye, ‘yun ang ating serbisyo, kasi ‘yun ang ating trabaho.”
Kaya naman hindi lubos na maintindihan ng aktor kung bakit kailangang ipahinto sa ere ang ABS-CBN.
“Kung ang kumpanya po namin ay may ginawang kawalanghiyaan, kasalbahihan, at may inaping tao, alam niyo po? Hindi ko lulunukin kung anuman ang ipagagawa sa akin. Ako ang kauna-unahang tatanggi at makikipaglaban.
“Lagpas-lagpas na po kami doon. Hindi na po pansarili namin ang iniisip namin. Ang iniisip na po namin ay ang kapwa namin. Paano ba namin maibabalik sa lahat ang blessings na ibinigay sa amin?
“Pero kung hindi po namin gagawin ito, at hindi maririnig ng mga tao ang nasa dibdib namin, ang mga hinaing namin, ang mga nasa isip namin sino po ang gagawa? Lahat kami matatakot? Anong gagawin namin sa mga bahay namin, magti-TikTok para mapaligaya kayo?
“Mula nang napasara ang ABS-CBN, kinimkim po namin ‘yung galit sa dibdib namin. Anong klaseng hustisya, anong klaseng mga tao, ang gumawa nito? ‘Yun po ang tinatanong ko. Kasi kaming mga artista, maaaring lahat ng panlalait naabot na namin. Minamaliit kami, kesyo hindi kami nakapag-aral, artista lang kami at hindi nakapagtapos, lahat ng panlalait, okey lang po ‘yan. Wala namang problema ‘yan. Opinyon niyo po ‘yan e.
“Alam niyo po ang hirap e. Pinag-iisipan ko kung saan ko ito dadalhin. Sa mahinahon na pakiusapan? Tingin niyo, pag kinausap ko kayo ng mahinahon, ayos? Maaawa kayo sa amin? Pipigilan ko pa ang nararamdaman ko? Lahat naman tayo walang kasiguraduhan kung makakalagpas sa COVID-19 na ito. Bago pa matapos ito, ang importante masabi ko kung ano ang totoo kong nararamdaman sa inyo.”
Sa kabilang banda ay humingi ng paumanhin ang aktor dahil naglabas lang daw siya ng sama ng loob dahil sa nangyari.
“Pasensiya na po kayo. Sorry po, sorry po. Sobra po ang galit talaga. Alam kong hindi lang ako. Marami sa mga kasamahan ko sa industriya. Pero kung hindi ako maglalakas ng loob, kung magpapaka-neutral ako, kung magpapaka-diplomasya ako, sa tingin ko, hindi ito ang tamang pamamaraan para kausapin kayo,” sabi pa ng aktor.
Pero umarya pa rin ang aktor, “Ako, bahala na bukas. Sasabihin ko na kung anong nararamdaman ko. Binarubal na tayo e, tinarantado na tayo, kinuha na ‘yung bahay natin. Anong ie-expect natin? Ipagdarasal natin sila? Pinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila.
“Dapat kumilos tayo! Dapat magsalita tayo! Dapat marinig kung ano ang nawala sa atin. ‘Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig ninyo! Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo.
“Para tayong batang kinotongan at pagkatapos, kapag nagkita kayo, anong ie-expect mo? Kasi ito na ‘yung pagkakaton natin. Wala na tayong trabaho, anong iniingatan natin? Ako honestly, wala na akong trabaho. Anong ipapakain ko sa pamilya ko?
“Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako nang patayan. Kahit patayin mo pa ako,” matapang na pagtatapos ni Cardo Dalisay.