Robin inokray ng netizens; tinawag na ipokrito, plastik

INULAN ng batikos at pang-ookray si Robin Padilla matapos magpahayag ng pakikisimpatya sa pagsasara ng ABS-CBN.

Mahaba ang naging sentimyento ni Binoe nang ipatigil na ang operasyon ng Kapamilya Network matapos maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission.

Ayon sa aktor, ang nais niyang mangyari ay ang pagbabago sa ABS-CBN hindi ang pagsasara nito kung saan 11,000 empleyado ang maaaring mawalan ng trabaho at pagkakakitaan.

Reaksyon ng ilang netizens, mukhang nag-iba na ang ihip ng hangin sa paligid ni Binoe dahil sa umano’y pagkambyo nito sa issue na taliwas sa mga pinagsasabi niya noong kasagsagan ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Kung matatandaan, nakapagsalita pa si Binoe ng “ang lahat ay mananagot kapag lumabag sa batas” noong mainit na pinag-uusapan ang pagbibigay muli ng prangkisa sa Dos. Na-bad trip din siya sa mga  celebrities na kumampi at nanindigan para sa ipinaglalaban ng ABS-CBN.

Idinamay pa nga ng aktor si Coco Martin na inakusahan niyang nambuhos daw ng tubig sa ilang mga katrabaho niya sa isang teleserye.

Kaya naman nagtataka ang mga netizens sa sinabi ni Robin na hindi niya nais ang pagsasara ng network. Bakit daw iba na ang sinasabi ngayon ni Binoe.

“Nasa panahon tayo ng humahagupit pa ang mata ng covid 19 sa labas ng mga bahay natin at nagbabanta na makapasok at manalanta hindi po mainam na magtagal ang pagsasaayos ng franchise ng aming network ito ang oras para harapin ito dahil kailangan ng information ng mga pilipino sa buong mundo at lalong kailangan ng trabaho ng nasa industria ng telebisyon at pelikula. 

“Umpisahan na kagyat ang pagdinig dito at unahin harapin ang mga dapat baguhin.

Mga kababayan nasa peligro ang bawat buhay ng Pilipino at ang economia ng bansa naniniwala ako na ang lahat ngayon ay bukas sa pagbabago at handang sumunod sa kung ano ang dapat maitawid lang nating lahat sa pagsubok at makaahon ang Inangbayan Pilipinas,” pahayag ni Binoe.

Dahil dito, maraming tumawag sa aktor ng ipokrito at plastik. Hindi raw nila maramdaman ang sinseridad nito sa mahabang post sa IG.

Hindi rin nagustuhan ng mga netizen ang pagsasabi ni Robin ng mga salitang “aming network” dahil sa simula pa lang daw ay hindi na ito nagparamdam ng malasakit sa istasyong nagbigay sa kanya ng napakaraming trabaho.

Pero in fairness, may nagtanggol din naman kay Robin at sinabing ang gusto lang nito ay ang pagsunod sa batas at maitama kung anuman ang naging pagkakamali noon. Hindi naman daw sinabi ng mister ni Mariel Rodriguez na gusto niyang mawalan ng trabaho ang 11,000 manggagawa ng istasyon.

Wala pang sagot si Binoe sa pambabatikos ng mga netizens. Bukas ang BANDERA sa paliwanag at pagdepensa ni Robin. 

Isang kilalang loyal supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte si Binoe at alam naman ng lahat na ilang beses ding sinabi ng Presidente na haharangin niya ang pagbibigay sa ABS-CBN ng bagong franchise.

Read more...