ARESTADO ang dalawang lalaki at isang babae na sakay ng isang motorsiklo sa Quezon City kahapon.
At nakuhanan pa umano si Larry Diaz, 41, miyembro ng Batang City Jail, ng dalawang sachet ng shabu na itinago nito sa kanyang facemask.
Kinilala ang dalawa pang suspek na sina Wengelyn Galvajar, 25, ng Ilaya, Brgy. Alabang Muntinlupa at Sonny Manzano, 29, ng Brgy. Gaya-gaya, San Jose Del Monte, Bulacan.
Dumaan umano ang tatlo sakay ng isang motorsiklo sa quarantine control point sa Aurora Blvd., Brgy. Socorro, Cubao alas-7:35 ng umaga.
Hinuli ang tatlo dahil sa paglabag sa quarantine protocols at dinala sa Cubao Police station.
Dahil hindi maintindihan ang kanyang sinasabi, ipinaalis muna ng pulis ang facemask ni Diaz pero tumanggi ito. Dito na napansin ng mga pulis na may itinatago ang suspek.
Nang mapilit itong hubarin ang kanyang facemask ay nakita ng mga pulis ang dalawang sachet ng shabu na nakatago rito.