PATULOY ang pagbaba ng tubig sa Angat dam pero sapat pa umano ito para suplayan ang Metro Manila hanggang sa dumating ang tag-ulan sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay National Water Resources Board Executive director Sevillo David Jr., inaasahan na ang pagbaba ng tubig sa Angat dahil sa init ng panahon.
“Sa kasalukuyang lebel niya na 189.3 meters, medyo masasabi natin na nasa normal pa ang lebel ng Angat Dam. Matutugunan pa rin ang mga pangangailangan natin sa tubig,” ani David sa panayam sa radyo.
Posible umano na bumaba ng isang metro sa loob ng lima hanggang anim na araw ang tubig sa dam.
Patuloy pa rin umano ang pagpapalabas ng 46 cubic meter per second na tubig sa Angat upang suplayan ang tinatayang 90 porsyento ng pangangailangan ng Metro Manila.