Kasama ng free TV channel ng ABS-CBN at ng radio station nito na DZMM ay tumigil na rin sa pagsasaere ang ABS-CBN Sports channel S+A (Sports and Action) Martes ng gabi.
Nauna rito ay naglabas ng “cease-and-desist order” ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa broadcast giant na napaso na nitong Lunes ang 25-taong prangkisa nito.
Sa sports channel ng ABS-CBN pinalalabas ang mga laro ng dalawang pangunahing ligang pangkolehiyo ng bansa na UAAP at NCAA. Dito rin iniere ang mga laro ng Asean Basketball League (ABL) at Maharlikha Pilipinas Basketball League (MPBL) at maging ang mga mixed martial arts fights ng ONE Championship.
Bagaman natigil ang mundo ng sports bunga ng COVID-19 pandemic ay patuloy na nagpapalabas ng mga lumang volleyball, football at basketball games para sa mga sports fans.
“Millions of Filipinos will lose their source of news and entertainment when ABS-CBN is ordered to go off-air on TV and radio tonight when people need crucial and timely information as the nation deals with the COVID-19 pandemic,” sabi ng ABS-CBN sa isang kalatas Martes ng gabi.
“This is in compliance with the cease and desist order issued by the National Telecommunications Commission (NTC) today that prohibits ABS-CBN from continuing its broadcast operations effective immediately.”
Huling naipasara ang ABS-CBN ng gobyerno panahon ng martial law noong Setyembre 1972.