“LORD God I believe in you!” ‘Yan ang reaksyon ng TV host-comedian na si Vice Ganda sa pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN.
Naniniwala ang Phenomenal Box-office Star na hindi natutulog ang Diyos at darating din ang araw na muling sisikat ang araw para sa Kapamilya Network.
Kagabi, nagpaalam ang ABS-CBN sa madlang pipol na pamsamantala munang mawawala sa ere bilang pagsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission.
Ito’y matapos ngang hindi mabigyan ng bagong franchise to operate ang istasyon. Nag-expire na kahapon ang prangkisa ng ABS-CBN.
Isa si Vice Ganda sa mga nagpahayag ng suporta at pakikiisa sa 11,000 empleyado at contract artists ng network na mawawalan ng trabaho dahil sa pagtigil ng operasyon nito.
Narito ang tweet ni Vice ilang oras matapos magpaalam sa ere ang kanyang mother network.
“Lord God I believe in you and your power. Alam ko pong nakikita nyo ang lahat. Kayo na po ang bahala sa amin at sa kanila.”
“Di lang ang network at ang mga empleyado ang kawawa kundi ang buong bansa at lahat ng Pilipinong napagkaitan ng kailangang kailangang serbisyo sa oras na ito ng pandemya. ANG LUPIT!” pahayag pa ng It’s Showtime host.
Isa pang host ng nasabing Kapamilya noontime show na si Anne Curtis ang nagpahayag ng matinding pagkalungkot dahil sa nangyari sa ABS-CBN.
“I’m still in disbelief that this is actually happening. It’s so heartbreaking. Nakakalungkot.
“To my ABS-CBN Family, I stand with you. I pray for brighter days and hearing “in the service of the Filipino” on air again.
“A big hug sa lahat ng aking KAPAMILYA. #intheserviceofthefilipino #notoabscbnshutdown #westandwithabscbn,” sabi pa ni Anne na nasa Australia pa rin matapos manganak dalawang buwan na ang nakararaan.