‘Wag pong makulit…Misa bawal pa rin

IBINASURA ngayong araw ng Malacañang ang mga apela para payagan ang mga religious gatherings kahit umiiral pa ang quarantine.

Iginiit ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi gaya sa supermarket, mahirap ipatupad ang

physical distancing sa Misa at iba pang religious services.

“Hindi pa po talaga pwede kasi ang nangyayari naman sa supermarkets, nakikita na po natin iyong mga larawan, nai-implement talaga ang social distancing kasi naghihintay,” paliwanag ni Roque. “Kahit anong simba po, mayroon pong schedule iyan, hindi naman puwedeng naghihintayan. Ang service po sabay-sabay sumasamba.”

Pero idinagdag niya: “Kapag ang mga areas naman po ay na low na ang risk [for COVID-19 transmission], posible po in the future ay baka mapayagan na iyan. Pero sa ngayon po, hindi pa rin pinapayagan.”

Matatandaang umapela si Archdiocese of Manila administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na payagan ang pagbubukas ng mga simbahan dahil mahalaga umano ito.

Noong isang linggo ay sinabi ng Palasyo na papayagan ang mga religious services sa mga lugar na umiiral ang GCQ, pero binawi nito ang desisyon makaraang magreklamo ang ilang lokal na opisyal.

Read more...