TARGET ng gobyerno na maitaas sa 78 ang bilang ng mga laboratoryo ngayong buwan upang tumaas ang testing capacity ng bansa sa coronavirus disease 2019.
Ayon kay National Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Deputy Chief Implementer at BCDA President Vince Dizon ang 58 laboratoryo ay nasa advance stage na ang accreditation.
“Our goal is to build or accredit 58 more laboratories para po by May 30, we will have 78 laboratories all over the country, strategically located in areas that can really address the future surges in communities all over the country,” ani Dizon.
“Once we have enough testing capacity, mas magiging kampante po tayo na mag-ease ng restriction.”
Mahalaga umano ang mataas na testing capacity para mabilis na ma-detect ang mga nahawa ng COVID-19 gaya ng Vietnam na mayroong 112 testing center.
“If we have the testing capacity, mabilis po tayong makaka-test, mabilis po nating maa-identify kung sino ang may sakit at dahil doon po mabilis po natin silang maa-isolate at mapipigilan ang pag-surge ng infection sa community,” dagdag pa nito. “Ang kalaban po ay ang disease, hindi po ‘yong taong may sakit. Ang kalaban po ay ‘yong sakit itself but to unmask that we have to test.”
Nagtatayo rin ang gobyerno ng mga malalaking swab testing centers.
Bukas ay inaasahang matatapos na ang mega swab testing facility sa Palacio de Maynila Tent sa Roxas Boulevard.
Ngayong linggo ay inaasahang na matatapos na rin sng swabbing site sa Mall of Asia sa Pasay City.