NAIMBIYERNA na ang actress-politician na si Angelika dela Cruz sa ilang mga pasaway sa Malabon.
Bukod sa mga lumalabag sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, may mga residente rin sa Barangay Longos sa Malabon ang patuloy na lumalabag sa liquor ban.
Ayon sa barangay chairwoman, maraming nagrereklamo na wala na silang perang pambili ng pagkain at iba pang mahahalagang supplies para sa kanilang pamilya pero may pambili ng alak.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Angelika ng mga litrato kung saan makikita ang ilang taga-Malabon na nahuling nag-iinuman sa kabila ng liquor ban.
“Madaming nag rereklamo wala na daw pambili ng pagkain, kulang ang bigay ng government, ang tagal ng ayuda … pero pag pang Inuman alak at pulutan may pambili,” caption ng aktres sa kanyang IG post.
Sa isa pang post ng aktres kamakailan, makikita naman ang mga food packs na nakatakdang ipamigay para fifth wave ng relief operation sa kanilang barangay.
Isa si Angelika sa mga celebrity politicians na aktibo sa pagpo-post ng mga kaganapan sa kanilang lugar.
Kamakailan lang ay umani ng sansamakmak na likes at comments ang ipinost ng aktres tungkol sa isinumbong ng isang residente tungkol sa umano’y aswang sa kanilang lugar.
Mensahe ng residente kay Angelica, “May kumakaLat na baLita sa barangay Longos daw mam. if im not mistaken kau po Brgy. Capt.
“Nagkagulo mga kapitbahay namin ngayon. Akala ko may gulo, ‘yun pala may tiktik na sumilip sa bu(b)ong kapitbahay namin. Mahaba dila.
“Nakita mismo ng kapitbahay namin na may pakpak. May nakakita kaya nag sisigaw ‘yun. Nakakita ng aswang, may buntis kasi.
“Akala ko may away sa labas. Sa lugar po ito ng Longos, Malabon.”
Ayon sa Philippine folklore, ang tiktik at isang uri ng aswang na nambibiktima ng buntis sa pamamagitan ng pagpunta sa bubong ng bahay at gamit ang mahabang dila nito, kakainin niya ang sanggol mula sa sinapupunan ng buntis.
Ito naman ang mensahe ni Angelika sa natanggap na “reklamo”, “Pag Kapitana ka lahat ng uri ng tao makaka salamuha mo at lahat ng reklamo maririnig mo.”